ni Anthony E. Servinio @Sports | October 24, 2023
Magbabalik ang isa sa pinamakasaysayang karera sa Pilipinas, ang "Manila International Marathon: Run For Awareness", sa Pebrero 24, 2024. Asahan ang isang mabilis at kalidad na takbuhan sa patag na daan na magsisimula at magtatapos sa Rizal Park at iikot din sa mga lungsod ng Pasay, Paranaque at Makati.
Ayon kay race organizer Dino Jose sa kanyang panayam sa BULGAR Sports Beat podcast, espesyal ang parating na karera at bahagi ng malilikom na pondo ay mapupunta sa mga sundalo na nakadestino sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea. May nakalaan din na tulong para sa Philippine Coast Guard.
Upang maangat ang kalidad, makakalahok ng libre ang mga mananakbong may patunay na umoras sila na hindi lalampas ng 2:35:00 at may diskwento ang mga may oras na mas mababa sa tatlong oras. Ito ay limitado sa unang 200 lamang.
Maliban sa Marathon, may mga karera din sa 21, 10 at limang kilometro. Ginaganap na ang pagpapalista online sa manilamarathon.com hanggang Pebrero 21, 2024 o umabot ng 5,000 kalahok kung ano man ang mauna.
Lahat ng mga magtatapos ng ay tatanggap ng medalya, t-shirt at regalo mula sa mga sponsor. Ang mga kampeon ng kalalakihan at kababaihan ay kakatawanin ang Pilipinas sa Taiwan International Marathon sa Nobyembre, 2024.
Ang 1982 Manila International Marathon ang unang karerang Pinoy na kinilala ng AIMS, ang samahan ng mga malalaking patakbo sa buong mundo. Noong taon na iyon, nagkampeon si 1976 at 1980 Olympic gold medalist Waldemar Cierpinski ng Silangang Alemanya sa oras na 2:14:27 na hanggang ngayon ay ang pinakamabilis na Marathon na itinakbo sa Pilipinas.
Nais ni Jose at kanyang mga kasama Manuel Oyao at Race Director Red Dumuk na mabuhay muli ang sigla ng takbuhan gaya noong simula ng Dekada 80. Ang tatlo ay may malawak na karanasan sa pag-organisa ng mga karera noong panahon na iyon at handang gamitin ito upang hubugin ang bagong henerasyon.
Comments