ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Oct. 13, 2024
Ang ika-1 ng Oktubre, pista ni Sta. Teresita OCD, pinangalanang obispo ng Diyosesis ng Gumaca, Quezon si Padre Euginius Cañete MJ. Ang ika-4 ng Oktubre, pista ni San Francisco ng Assisi, pinangalanan ni Pope Francis si Padre Elias Ayuban bilang obispo ng Diyosesis ng Cubao. Ang ika-6 ng Oktubre, pinangalanang cardinal si Obispo Pablo “Ambo” David ng Diyosesis ng Caloocan.
Ang mga unang araw din ng Oktubre ay sunud-sunod na mga pista ng pamilya Franciscana. Ika-2 ng Oktubre ay pista ni Maria ng Mga Anghel (Mary, Our Lady of the Angels), ika-3 ng Oktubre ay ang kilalang “Transitus” o kamatayan ni San Francisco na kinikilalang paglipat ng santo mula sa mundo tungo sa kalangitan, sa kaharian ng Ama.
Sa kalangitan naganap ang mahiwaga’t banal na paglipat, pag-ibang lugar, pag-ibang estado ni San Francisco ng Assisi. Sa kasalukuyan, sunud-sunod ang paglipat at pag-iibang estado ng tatlong alagad ni Kristo. Mula mga karaniwang pari magiging obispo sina Padre Cañete MJ (Missionaries of Jesus) at Padre Ayuban CMF (Claretian Missionaries). At mula isang karaniwang obispo ng Caloocan, magiging cardinal (tagapayo ni Pope Francis) si Obispo David.
Ang tatlong diyosesis ay masaya at literal na nagulantang sa balita. Matagal nang walang obispo ang Diyosesis ng Gumaca nang mamatay ang kanilang obispong si Obispo Victor Ocampo. Tapos na ang kanilang paghihintay dahil meron na silang obispo sa katauhan ni Padre Cañete. Nagulantang din kami sampu ng aming Obispong Honesto Ongtioco ng Cubao nang pangalanan ni Pope Francis ang kapalit nito ay si Padre Ayuban. Ganoon na lang ang pagkagulat at galak ng mga taga-Diyosesis ng Caloocan nang ang kanilang obispo ay pangalanang cardinal ni Pope Francis.
Ano na ang gagawin ko? Saan ako magsisimula? Sino ang dapat kong kausapin? Sino’ng makakatulong sa akin. Ano ang dapat kong ihanda para sa araw ng aking konsakrasyon bilang obispo o sa araw ng aking pagtanggap ng titulong cardinal ng Simbahang Katolika?
Malinaw namang walang dapat alalahanin ang tatlong nabanggit na pari at obispo. Tutulungan sila ng Roma sa pamamagitan ng Nuncio (kinatawan ng Papa sa Pilipinas). Tutulungan sila ng kani-kanilang kaparian at layko sa masalimuot na preparasyon para sa dakilang araw ng konsakrasyon at pagtanggap ng titulong cardinal ng simbahan.
Madaling pag-usapan ang mga panlabas at materyal na preparasyon mula sa isusuot, sa magiging daloy ng liturhiya, sa mga mangungunang cardinal at obispo sa liturhiya ng konsakrasyon, sino at dami ng mga iimbitahan, ang ihahanda, kakainin at iinumin? Subalit hindi lang materyal at panlabas ang kinakailangang preparasyon.
Kababalik lang ng kaparian ng Diyosesis ng Cubao mula Baguio. Katatapos lang ng aming sama-samang panalangin o retreat. At nagkataong pumaloob sa panahon ng paghahanda, ng transition ang aming retreat.
Nabanggit ko ang mga sumusunod na paghahanda. Una, noong taong 1991 isinagawa ng mga obispong Katoliko sa Makati ang “Second Plenary Council of the Philippines” o PCP2. Isang mahalagang prinsipyo sa naturang pagtitipon ng mga obispo, pari, layko at relihiyoso ay ang pagtingin, pag-aaral at pang-uunawa sa mga “Ilaw at Anino,” “Lights and Shadows” sa karanasan ng simbahan sa mga nagdaang panahon at kasalukuyan.
Pangalawa, kailangang magkaroon ng seryosong proseso ng pangingilatis ng kalooban ng Diyos o ng pagsusuri at pagkilala kung nasaan at paano kumikilos ang mabuti at masamang espiritu. Dapat pangalanan at iwaksi ang mga sinasabi, ginagawa at pinagagawa ng masamang espiritu. Dapat ding pangalanan at pakinggan nang husto ang sinasabi at pinagagawa ng mabuting espiritu.
Pangatlo, kailangang maging bukas sa hinihinging “transition”, ang paglipat, pagbabago mula sa dati hanggang sa bagong pamumuhay ng simbahan. Kailangan ng masigasig at mapagpasalamat na “tuloy po” at ng matapang na “paalam” (generous hello and courageous goodbye).
Sa mga ibinahaging salita ni Obispo Honesto Ongtioco, ng Diyosesis ng Cubao sa nagdaang 21 taon aniya, “Ang pagdating ng bagong obispo, ng aking kahalili ay isang bagong araw, ‘spring time’ para sa ating lahat”.
Tama ang obispo, ngunit hindi lang minsan kundi tuluy-tuloy ang paglilipat at pagbabago, mula sa dating buhay tungo sa higit pa at mas maganda ayon sa kalooban ng Diyos. Sa mga salita ng paring nagpadaloy ng aming retiro/apat na araw na panalangin at pagninilay, hindi madali at punumpuno ng sakit at bigat ang paglipat at pagbabago mula sa luma tungo sa bago, ngunit punumpuno rin ito ng pag-asa. Mangyayari ang mabuti, ang maganda na nais ng Diyos, kailangan lang maniwala. Kailangan lang magtiwala. Kailangan lang ang tunay at malalim na pag-asa.
Comments