ni Atty. Joey Lina @SA TOTOO LANG | Pebrero 22, 2023
Handa ba tayo kung mangyayari rito sa Pilipinas ang malagim na lindol na tumama sa Turkey at Syria? Ngayon pa lang ay halos 47,000 katao na ang namatay, daan-daang libo ang nasugatan, marami pa ang nawawala, napakaraming nawasak na gusali, bahay, imprastruktura na nagkakahalaga ng daan-bilyong dolyares.
Sinabi ng International Federation of Red Cross na ang apektado ng lindol sa Turkey at Syria ay umaabot ng laki ng Francia na may sukat na 551,695 square miles (ang Pilipinas ay may sukat lang ng 300,000 square miles).
Subalit habang isinusulat ang artikulong ito, hindi pa batid kung gaano talaga kalawak ang pinsala ng lindol sa Turkey at Syria na may lakas na 7.8 magnitude.
Hindi naman nakakagulat ang nangyaring lindol sa naturang bansa dahil matagal nang batid ng mga siyentipiko at opisyales ng gobyerno ng Turkey ang panganib ng malakas na lindol na tumama sa kanila na maaaring manggaling sa North Anatolian Fault at East Anatolian Fault.
Gumawa pa ang Turkey ng batas para mapaghandaan ang lindol, subalit ang mga paghahanda, patakaran at depensa sa lindol ay hindi naipatupad.
Dito sa Pilipinas, matagal nang pinag-uusapan ang panganib ng malakas na lindol na maaring manggaling sa tinatawag na Marikina West Valley Fault na nagmumula sa Bulacan, bumabaybay sa Quezon City at silangang bahagi ng Metro Manila hanggang Laguna at Cavite.
Mababawasan ba ang pinsala sa buhay ng mga Pilipino, kabuhayan at imprastruktura kung may masinop na paghahanda ang Pilipinas kung tumama sa atin ang isang 7.2 magnitude na lindol?
Marami nang babala ang idineklara ang seismology expert na dating Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) chief at ngayo’y Secretary ng Department of Science and Technology (DOST) na si Renato Solidum. Sinabi niya ay ang Marikina Valley Fault ay umuuga o kumikilos bawat 400 taon (average) at ang huli ay naganap mga 364 taon na ang nakalilipas. Kaya sa mga panahong ito, maaaring maganap ang malakas na lindol dulot ng pagkilos ng Marikina Valley Fault.
At kung dumating ang kinakatakutang malakas na lindol na may lakas na 7.2 magnitude, tinatayang 37,000 ang mamamatay at P2.4 trillion ang kabuuang pinsala sa pagbagsak ng mga istruktura na aabot sa lawak na 1,100 hektarya, ayon sa Greater Metro Manila Area Risk Analysis Project na inilabas noong 2013.
Ganito rin halos ang sinabi sa Metro Manila Impact Reduction study na ginawa ng PHIVOLCS, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Japan International Cooperation Agency noong 2002 hanggang 2004.
Huwag na magsayang ng panahon sa paghahanda laban sa mapanganib na lindol na maaaring tumama sa Pilipinas dulot ng paggalaw ng Marikina Valley Fault.
Kumilos nang mabilis ang gobyernong nasyonal at lokal — probinsya, siyudad, at bayan para inspeksyunin ang mga gusali, bahay, imprastruktura sa kani-kanilang teritoryo para alamin ang mga mahuhuna para lapatan ng pagbabago o wasakin ang hindi na maaayos.
Dapat ding madaliin ang pag-aaral sa Building Code kung dapat pang baguhin ito kaugnay sa malakas na lindol.
Ang mga pribadong civil engineers ay dapat makipagbayanihan sa pamahalaan para mapabilis ang inspeksyon ng mga gusali, bahay, at imprastruktura.
Ang mga ginawang earthquake drills ay dapat gawin muli para maihanda ang sambayanan kung dumating man ang malakas na lindol.
Higit sa lahat, tuluy-tuloy na panalangin sa Diyos ay dapat natin isagawa.
Comentarios