top of page
Search

Mangingisda nalunod sa ilog

BULGAR

News @Balitang Probinsiya | July 10, 2024



Pangasinan — Isang mangingisda ang natagpuang patay kamakalawa na nakalutang sa ilog na sakop ng Brgy. Guelew, San Carlos City sa lalawigang ito.


Sa kahilingan ng pamilya ng biktima ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng lolong namatay sa lunod. 


Nabatid na ilang residente ang nag-report sa pulisya tungkol sa natagpuan nilang bangkay na nakalutang sa ilog.


Huli umanong nakitang buhay ang biktima na sakay ng bangka para mangisda sa ilog. 

Sa imbestigasyon ng mga otoridad ay napag-alamang tumaob ang sinasakyang bangka ng biktima kaya ito nalunod sa ilog.


 

RIDER NA PULIS, PATAY SA SEMPLANG


NEGROS OCCIDENTAL -- Isang rider na pulis ang namatay nang sumemplang ang kinalululanan nitong motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Bato, Hinigaran sa lalawigang ito.


Ang biktima ay nakilalang si P/Sgt. Steven Donasco, nakatalaga sa Hinigaran Police Station sa nasabing lalawigan.


Ayon sa ulat, habang minamaneho ni Donasco ang kanyang motorsiklo ay nawalan ito ng kontrol kaya bigla itong sumemplang.


Napag-alaman na nagtamo ang biktima ng malaking pinsala sa ulo nang mabagok ito sa sementadong kalsada.


Agad dinala ng mga residente ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival. 


 

BIGTIME TULAK, HULI SA DRUG-BUST


CAMARINES SUR -- Isang bigtime drug pusher ang naaresto sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. San Esteban, Nabua sa lalawigang ito.

Ang suspek ay kinilala ng pulisya na si Allan Prades, nasa hustong gulang at residente ng nabanggit na barangay. 


Ayon sa ulat, nadakip ang suspek nang pagbentahan nito ng shabu ang mga operatibang nagpanggap na buyer ng illegal drugs. 


Napag-alaman na nakakumpiska ang mga otoridad ng mahigit 350 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.


Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


 

2 KELOT, DEDBOL SA SUV


SOUTHERN LEYTE -- Dalawang lalaki ang namatay nang mabangga ng isang SUV kamakalawa sa national highway ng bayan ng Libagon sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ang dalawang biktima at ang driver ng SUV habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad.


Ayon sa ulat, nasa gilid ng kalsada ang dalawang biktima at ginagawa ang gamit nilang nasirang motorsiklo nang nabangga sila ng SUV.


Sa imbestigasyon ay inamin ng SUV driver na nawalan siya ng kontrol sa pagmamaneho kaya nabangga niya ang dalawang biktima.


Nakapiit na ang SUV driver na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide and damage to property.

コメント


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page