top of page
Search
BULGAR

Mangingisda, nalunod sa dagat

News @Balitang Probinsiya | July 6, 2024



QUEZON -- Isang mangingisda ang namatay nang malunod kamakalawa habang nangingisda sa dagat na sakop ng Brgy. Don Juan Vercelos, San Francisco sa lalawigang ito.


Sa kahilingan ng kanyang pamilya ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng mangingisdang biktima. 


Ayon sa ulat, pumalaot sa dagat ang mangingisda para manghuli ng isda, pero hindi na ito nakauwi sa kanilang bahay.


Nabatid na kamakalawa ay isang mangingisda rin ang nakatagpo sa nakalutang na bangkay ng biktima sa dagat. 


Sa imbestigasyon ng mga otoridad ay napag-alamang tumaob ang sinasakyang bangka ng biktima kaya nalunod ito.


 

Driver, niratrat ng armado


RIZAL -- Isang 46-anyos na driver ang namatay nang pagbabarilin ng isang hindi kilalang armadong salarin kamakalawa sa Brgy. Sampaloc, Tanay sa lalawigang ito.


Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ay nakilalang si Joel Magdaong, nakatira sa nasabing barangay. 


Ayon sa ulat, habang nasa labas ng kanilang bahay si Magdaong ay bigla itong nilapitan at pinagbabaril ng salarin.


Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.

Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang suspek upang masampahan ng kasong murder.


 

HVT sa droga, nasakote sa buy-bust


ILOILO -- Isang High Value-Target (HVT) sa droga ang dinakip ng mga otoridad sa  buy-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Bulaquena, Estancia sa lalawigang ito.


Ang suspek ay kinilala ng pulisya na si Mark dela Cruz, nasa hustong gulang at residente ng nasabing bayan. 


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu ang suspek kaya nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba na naging dahilan upang madakip ang pusher na napag-alamang kabilang sa HVT sa droga sa naturang bayan.


Nabatid na nakakumpiska ang pulisya ng siyam na pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



 

Wanted sa Cavite, tiklo sa Agusan Del Sur


AGUSAN DEL SUR -- Isang wanted na rapist sa Cavite ang naaresto ng pulisya kamakalawa sa kanyang hideout sa Brgy. Tandang Sora, Esperanza sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ang suspek habang iniimbestigahan ito ng mga otoridad. 

Ayon sa ulat, dinakip ng pulisya ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong kasong rape sa Cavite.


Nabatid na may nag-tip sa pulisya sa pinagtataguan ng suspek kaya agad pinuntahan at inaresto ng mga operatiba ang rapist sa nasabing lugar.


Hindi naman nanlaban ang suspek at ngayon ay nakapiit na sa detention cell ng himpilan ng pulisya.





0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page