@Editorial | August 01, 2021
Sa muling pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, marami ang umaaray.
Mula sa mga manggagawa hanggang sa mga negosyante, kani-kanyang diskarte kung paano maitatawid ang dalawang linggo.
Bagama’t nauunawaan ng lahat ang kahalagahan ng ipatutupad na mas mahigpit na community quarantine, hindi pa rin maiwasang magtanong at mangamba.
Ilang ECQ pa ba ang kailangan para tuluyang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19? Bakit tila nauulit lang ang mga senaryo na parang lumalala pa? ECQ lang ba talaga ang paraan para makontrol ang sitwasyon — kakayanin pa ba?
Sana, ito na ang huling ECQ. Sa pamamagitan ng lockdown na sasabayan ng patuloy na pagbabakuna, nawa’y tuluyan nang bumaba ang kaso ng COVID-19.
Pero, kung wa’ epek pa rin, siguro ang tatlong ECQ ay sapat na para humanap na ng ibang paraan.
Puwede ring epektib naman sana ang mas mahigpit na lockdown kung nasusunod lang.
Sa ibang bansa, ‘pag sinabing bawal, bawal. Hindi sila sumusunod dahil may parusa, kundi gusto nilang matapos na ang pandemya.
Ang hirap sa ‘tin, alam nang bawal, gagawin pa rin. Nakikipaghabulan at taguan pa sa mga awtoridad. Parang hindi talaga nauunawaan ang sitwasyon, ang panganib ng virus sa kabila ng marami nang namatay at nagkakasakit.
Kung naisasaisip at puso lang sana ng lahat ang totoong silbi ng paghihigpit, malamang ay hindi na humaba ang panahon ng pagsasakripisyo.
Utang na loob, matuto na tayo.
Comments