ni Gerard Peter - @Sports | May 06, 2021
Hindi nga lahat ng bayani ay nakasuot ng kapa, minsan hawak nila palagi ay bola at lahat ng bayani ay hindi sumusuko sa anumang kinakaharap na laban – gaya ni dating PBA veteran Reed Juntilla na muling kuminang para sa ARQ Builders Lapu-Lapu City Heroes upang manatiling buhay sa semifinal battle laban sa KCS Computer Specialist-Mandaue, 67-52, Martes ng gabi sa Visayas leg ng Chooks-to-Go Pilipinas Vis-Min Super Cup sa Alcantara Civic Center, Cebu.
Sa ikatlong laro para sa do-or-die game, sunod-sunod na impresibong mga laro ang ginampanan ng 36-anyos na Carmen, Cebu-native upang tulungan ang koponan na makapagpatuloy sa liga at subukang masilat ng tuluyan ang Mandaue City tungo sa inaasam na unang finals appearance sa inaugural tourney ng kauna-unahang professional league sa katimugan, kalaban ang undefeated na MJAS Zenith Talisay City Aquastars na naghihintay sa championship round.
Bumitaw ng 19 puntos, 6 rebounds, 2 assist at tig-isang steal at block ang dating University of the Visayas Lancers shooting guard na nakipagsanib-pwersa kay dating Adamson Soaring Falcons stalwart Dawn Ochea na nagrehistro ng 15pts at 16 boards.
Bukod sa dalawa ay tumulong din sina pro-veteran Jercules Tangkay na may 8pts, 8 rebs, 5 steals at tig-isang assist at block, Rendell Senining sa kanyang 8pts, 4rebs at 2 asst at Hofer Mondragon na naging masipag sa pagkulekta ng rebounds sa 14 boards at 3 pts. Wala namang nakakuha ng double digit score para sa Mandaue City na tanging si Al Francis Tamsi ang pinakamataas sa 9pts at 2 rebs habang masaklap na 24.4% sa 2-pts at 20% sa 3-pt field goals lamang ang mga ito.
“The big difference was everyone responded well. Everybody chipped in in their own little way,” wika ni ARQ assistant coach Jerry Abuyabor. “Kahit yung bench namin was so positive, talking and encouraging one another. We played as a team,” dagdag ni Abuyador.
Tatlong magagandang performance na ang ipinapakita ni Juntilla laban sa Tubigon Bohol Mariners sa 16pts at 10rebs, Dumaguete Warriors na may mainit na 33pts, at 7 rebounds, at sa KCS-Mandaue City.
Comments