ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | May 7, 2023
Nitong nakaraang araw, naglabas ng babala ang OCTA Research na maaaring umabot sa 25% ang positivity rate sa NCR.
Bagama’t tumataas na ang positivity rate sa ilang lugar sa ating bansa, iminungkahi naman ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na hindi na kailangang gawing mandatory ang pagsusuot ng face mask.
Sinabi naman ng Department of Health (DOH) na hindi dapat mabahala ang publiko dahil natural lang na tataas at bababa ang mga kaso sa Pilipinas dahil na rin sa patuloy na pagmu-mutate ng virus at paglitaw ng mga variant.
Sa kabila nito, pinapayuhan pa rin ng DOH ang lahat na mag-ingat at magsuot ng face mask kung maaari kahit hindi ito mandatory.
☻☻☻
Naniniwala ang inyong lingkod na kahit hindi gawing mandatory ang pagsusuot ng face mask, kailangan pa ring magkaroon ng informationn campaign tungkol sa mga benepisyo ng pagsusuot nito.
Sa ating palagay, gawin pa rin itong voluntary, pero mas maging maingay sa panawagan na maging mapagmatyag at magsuot ng mask, lalo na sa mga matataong lugar.
Naniniwala rin ako na tama lang na bigyan ng kapangyarihan ang mga industriya na magdesisyon kung on-site, hybrid o work from home muna ang kanilang set-up.
Sa kasalukuyan, may mga eskuwelahan na balik na ulit sa hybrid at may mga opisina na nagdesisyon na balik muna sa work from home.
Naiintindihan natin na kailangang balansehin ang productivity at employee safety dahil kung maraming empleyado ang magkaka-COVID, tiyak na mapipilayan din ang mga negosyo.
☻☻☻
Bukod sa pagsusuot ng face mask, kailangan din nating patibayin ang ‘wall of immunity’ ng ating bansa laban sa COVID-19.
Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagkukumpleto ng primary series, booster shot at second booster na bukas na ngayon sa general population.
Napakahalaga na patuloy nating palakasin ang ating pangangatawan at ang ating immunity, lalo na kontra sa COVID 19.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Opmerkingen