ni Zel Fernandez | April 27, 2022
Kasabay ng muling pagbubukas ng foreign employment sa bansa, muling pinaalalahanan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa implementasyon ng Expanded Compulsory Insurance para sa mga balik-manggagawa at direct hires.
Batay sa Department Order No. 228, Series of 2021, o ang Expanded Compulsory Insurance Coverage for Rehires at Direct Hire ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Memorandum Circular No. 10 na nilagdaan ni POEA Administrator Bernard Olalia, ipinatutupad ang mandatory insurance bilang pagbibigay-proteksiyon sa mga manggagawang Pinoy na nagtatrabaho, abroad.
Ayon sa kawani, ang pagkakaroon ng insurance sa panahong ito ay makatutulong na magbigay ng seguridad sa mga migranteng manggagawa sa gitna ng pandaigdigang krisis sa kalusugan; saklaw ang insidente ng kamatayan, kapansanan at iba pang medical emergency.
Gayundin, sakop ng insurance policy ang repatriation o deportation ng mga OFWs, kabilang ang transportasyon ng mga personal na gamit kapag napatunayang ang manggagawa ay tinanggal ng employer sa kanyang trabaho nang walang wasto o makatarungang basehan.
Sa inilabas na abiso ng DMW, ibinahagi nito ang listahan ng mga insurance companies na accredited na ng Insurance Commission (IC) ng POEA para mag-alok ng OFW insurance.
Kabilang sa mga tinukoy ay ang Paramount Life & Insurance Corporation, Fortune General Corporation, Pioneer Insurance & Surety Corporation, MAPFRE Insular Corporation, UCPB General Insurance Company Inc., Stronghold Insurance, at Philippine British Assurance Company, Inc.
Comments