top of page
Search
BULGAR

Mamamayan ang dapat makinabang sa pondo, period!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | December 9, 2022


Naging abala tayong muli kasama ang mga kapwa mambabatas sa mga gawain sa Senado para matapos ang mga dapat ayusin bago ang Kapaskuhan.


Kabilang sa naisakatuparan ang pag-apruba ng ating Bicameral Conference Committee noong Disyembre 5 sa consolidated version ng panukalang P5.268 trillion national budget para sa susunod na taon. Importanteng matiyak ang pondo sa 2023 para maayos na maipatupad ang mga prayoridad ng pamahalaan, ang mga programa ng bawat ahensya, lalung-lalo na ang para sa pagsiglang muli ng ating ekonomiya at pangangalaga sa kalusugan ng ating mga kababayan.


Talagang nagsikap ang lahat ng ating mga mambabatas upang maisakatuparan ang bersyon na ito ng ating 2023 General Appropriations Bill. Umaasa tayong maisasabatas ito para sa kapakanan ng ating sambayanang Pilipino.


Ang paalala lang natin sa mga nasa gobyerno, gamitin natin ang pera sa tama at kung saan ito nakalaan. Dapat makarating sa mga Pilipino ang serbisyo dahil para sa kanila naman talaga ang pondong ito. Sikapin nating matulungan ang ating mga kababayan na harapin ang mga hamon ngayon, tulad ng pagtaas ng presyo, pagpapasigla ng negosyo at kabuhayan, maiwasan ang gutom, at makabangon mula sa pandemya at iba pang krisis.


Sa isinagawa namang pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa Senate Bill No. 1296, na naglalayong gawing kasong kriminal ang paglikha at pagpapakalat ng fake news, kinondena natin ang mga taong nagpapakalat ng fake news. Kailangang maipagtanggol ang katotohanan at matiyak ang malaya at tamang daloy ng impormasyon. Palagi tayong nasa panig ng katotohanan, at kung ano lang ‘yung totoo. Kawawa ang mga kapwa natin Pilipino na gustong mamuhay nang tahimik pero maling impormasyon ang nakararating at naibibigay sa kanila dahil sa mga mapagsamantalang indibidwal.


Bilang Chair ng Senate Committee on Health, muli nating iginiit sa pagtalakay sa Senate Bill No. 230, o ang panukalang Medical Cannabis Compassionate Access Act of the Philippines, na inakda ni Senador Robinhood Padilla, na bukas tayo kilalanin ang paggamit ng medical marijuana bilang “compassionate alternative means of medical treatment” sa ating bansa, pero kinakailangan ang proper regulation.


Hindi lang medikal ang pinag-uusapan dito, kundi pati kung paano mare-regulate nang maayos at hindi maaabuso ang paggamit. Importante rin sa atin na mabalanse ang interes ng nakararami. Importante ang kalusugan, ang peace and order at ang rule of law. Lahat ng ito ay mga aspeto na dapat ikonsidera kaya dapat mapag-aralan ito nang mabuti.


Proteksyunan natin ang buhay ng tao na kailangan ng ganitong uri ng gamot, pero proteksyunan din natin ang buhay ng mga puwedeng maging biktima dahil sa maaaring maging abuso nito. Kung inyong matatandaan, kahit ayaw na ayaw ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang paglaganap ng ilegal na droga sa ating bansa, nagpahayag din siya na bukas siya na talakayin ang medical marijuana basta may karampatang regulasyon.


Sa kabila naman ng ating pagiging abala sa Senado ay hindi natin kinakaligtaan ang ating mga kababayan na kailangan pa ring alalayan habang unti-unti tayong nagbabalik sa normal na sitwasyon para maging mas madali ang kanilang pagbangon mula sa pandemya at iba pang krisis.


Noong December 8 ay muli nating dinalaw ang mga kapwa natin Batangueño at personal na nagkaloob ng tulong sa humigit-kumulang 400 residente ng Malvar. Nasa Noveleta, Cavite naman tayo noong a-sais at personal na pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa 1,333 na residenteng hanggang ngayon ay ramdam pa rin ang epekto ng bagyong Paeng sa kanilang kabuhayan.


Hindi rin tumitigil ang ating relief team sa paglilibot sa iba’t ibang komunidad para mamahagi ng tulong sa ating mga kababayan, lalo na ang mga higit na nangangailangan. Maagap nating dinaluhan at pinagkalooban ng para sa kanilang pangunahing pangangailangan at gastusin ang 80 pamilyang nasunugan sa Bgy. Pulang Lupa Uno, Las Piñas City. Serye naman ng pamamahagi ng ayuda ang ating isinagawa sa Batangas at naabutan ng tulong ang 1,666 mahihirap na residente ng Alitagtag; 833 sa Sta. Teresita; at 77 pa sa Malvar.


Sa Quezon ay 1,500 benepisaryo mula sa Lopez ang ating naalalayan at may 333 pa sa Unisan. May napasaya rin tayong 1,400 mahihirap na residente ng San Isidro, Davao Oriental. Sa Zambales, natulungan natin ang 1,341 benepisyaryo mula sa Castillejos at San Marcelino; at 709 pa sa San Felipe. Meron ding natulungan na 124 na benepisaryo sa Ifugao.


Muli nating narating ang Samar para alalayan ang 569 na benepisyaryo mula sa Sta. Rita; at 522 pa sa Villareal. Nakapamahagi rin tayo ng tulong sa Laguna at nabigyan ang 500 residente ng Luisiana; 200 sa Lumban; at 107 pa sa Cavinti. May 384 namang napagkalooban din sa Bgy. Marilag, Quezon City. Hindi natin kinaligtaan ang isa sa mga sektor na prayoridad din natin—ang mahihirap na estudyante at naabutan natin ng para sa kanilang gastusin sa school ang 600 na mag-aaral ng Cavite City.


Ilang araw na lang at Pasko na at umaasa tayo na kumpara sa nakalipas na dalawang taon ay mas maganda ang sitwasyon nating lahat ngayong Holiday Season. Ang nakagisnan nating tala mula sa silangan ay sumisimbolo sa “light at the end of the tunnel” dahil unti-unti na tayong nakababangon mula sa madilim na epekto ng pandemya. Umaasa tayong mas lalaganap ngayon ang diwa ng pagkakaisa at pagmamalasakit sa kapwa at magpapatuloy habang sama-sama tayong humahakbang tungo sa mas magandang bukas.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Yorumlar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page