ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | March 1, 2021
Kamakailan, inanunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi na kailangan ng COVID-19 test, quarantine, travel authority at health certificate sa pagpasok sa saanmang local government unit (LGU), sa ilalim ng inaprubahang bagong guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF), maliban na lang kung nire-require ito ng lokal na pamahalaan na pupuntahan.
Suportado naman ng Department of Health (DOH) ang desisyon ng IATF dahil kadalasan ay nagiging irasyonal na ang mga travel requirement, kaya mas mabuti umanong i-test na lamang ang mga may sintomas ng sakit at i-monitor ang mga biyahero na pumasok sa isang LGU.
Pero tulad ng inaasahan, umani ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa publiko at health experts. Bagama’t ikinatuwa ng ating mga kababayan na nais nang bumiyahe ang maluwag na domestic travel requirements, iba naman ang opinyon ng mga eksperto.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pagkabahala ang OCTA Research Group sa dahil posible umanong mahawa ang mga lugar na maganda ang sitwasyon kung basta-basta makakapasok ang mga biyaherong walang sapat na screening.
Binigyang-diin pa ng grupo na kailangan pa ring magkaroon ng border control dahil hindi lahat ng lugar ay pare-pareho ang estado sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa totoo lang, nauunawaan nating layunin nitong matulungan ang sektor ng turismo, pero utang na loob, pag-aralan nating mabuti ang mga ipatutupad na panuntunan para mapigilan ang lalo pang pagkalat ng virus.
Baka kapag dumami na naman ang hawaan, LGUs na naman ang may kasalanan.
Sa Metro Manila pa lang, biglang taas na naman ang COVID-19 cases, kaya kung basta-basta tayong tatanggap ng mga turista na kadalasan ay galing sa Maynila, ano na lang ang mangyayari?
Panawagan sa mga kinauukulan, isip-isip ho para sa ikabubuti ng nakararami.
‘Ika nga, hindi naman masamang mamasyal, pero hindi natin dapat hayaang mailagay sa panganib ang kalusugan ng mga residente at biyahero.
Isa pa, ‘wag nating kalimutan na patuloy na nananalasa ang virus at hindi natin alam kung sino ang tatamaan nito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments