top of page
Search
BULGAR

Maluto, ang bagong bituin ng PHL Billiards

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 9, 2021




Nasingitan ni Aivhan Maluto ng Pilipinas ang karamihan sa mga de-kalibreng cue artists mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig upang maangkin ang pangalawang puwesto sa pagtatapos ng malupit na bakbakang tinawag na Poison VG 10-Ball 2.0 Virtual Tournament.


Nakipagtagisan nang husto ng galing si Maluto sa finals laban kay Konrad Juszczyszyn ng Poland. Sa Polish napunta ang unang laban, 6-5. Nakarebanse ang Pinoy sa pangalawa sa kapareho ring iskor (6-5). Sa winner take all match, kinapos si Maluto, 4-6, kaya napunta sa Poland cue artist ang korona. Halagang $5,500 ang napagwagian ng pambato ng Poland samantalang may pabuyang $3,500 si Maluto.


Nag-ambisyong magkampeon o kahit man lang makapasok sa finals ang mga bigating sina Estonian Dennis Grabe (dating hari ng Austrian Open at Slovenian Open); Dutch Niels “The Terminator” Feijen (2014 World 9-Ball king), batikang Finnish Mika “Iceman” Immonen, Greek Alexander Kazakis (European 10-Ball ruler); Rusong si Fedor “Viking” Gorst (hari ng 2019 World 9-Ball tilt), Czech ace Roman Hybler (siga dati sa German Open); Austrian Albin Ouschan (2016 world 9-ball winner; 2017 at 2019 World Cup of Pool titlist); Polish Mieszko Fortunski (topseed) at Hapones na Naoyuki Oi (4th ranked). Lahat sila ay umuwing nakayuko at ang apat sa huling mga nabanggit ay direktang nakatikim ng angas ng noon ay hindi kilalang Pinoy.


Sabit kay Maluto si Hybler noong qualifiers, si Ouschan ay tumiklop sa round of 16, napauwi si Fortunski noong quarterfinals habang sa semis namaalam si Oi.


Hindi nga naririnig ang pangalan ni Aivhan kaya dehadong-dehado sa kanila ang manunumbok na konektado sa Powerbreak Billiards Hall ng Abu Dhabi, United Arab Emirates. Si Maluto ay pangalawa lang sa Group 4 qualifiers. Bukod dito, ang tangi niyang ingay na nagawa bago ang torneo ay nang magkampeon ito sa isang qualifying tournament ng Predator One Pool 10x4 10-Ball Championship.


Ngunit dahil sa mga higanteng pinabagsak at dahil sa nasikwat na runner-up finish, pormal nang siyang tumawag ng pansin. “... Great tournament for Aivhan Maluto. I suspect we are going to seeing A LOT from this player moving forward!!” pahayag sa social media ng tagapangasiwa ng paligsahan bilang pagkilala sa narating ng Pinoy.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page