Malusog si Pangulong Duterte – Malacañang
- BULGAR
- Feb 4, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | February 4, 2022

Malusog para sa kanyang edad si Pangulong Rodrigo Duterte, ito ang paniniyak ng Malacañang ngayong Biyernes.
Ginawa ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles ang pahayag isang araw matapos niyang ianunsiyo na sumailalim sa quarantine si Pangulong Duterte makaraang ma-expose sa nagka-COVID-19 nitong kasambahay at nagtungo sa ospital para naman sa kanyang regular checkup, base na rin sa order ng doktor nito.
“Okay naman si Pangulo,” sabi ni Nograles sa isang news conference ngayong Biyernes.
“He is as healthy as any healthy individual at his age could be,” giit pa ni Nograles.
Si Pangulong Duterte ay 76-taong gulang na.
Ayon kay Nograles, batay sa naging assessment ng doktor ng Pangulo, lumabas na ang COVID-19 case exposure nito ay noong Enero 28.
“Upon the assessment of the physician, even if another household staff tested positive [for COVID-19] last Sunday, the President was not in close contact as per the circumstances,” ani Nograles.
“That is why his quarantine was cut short and ended yesterday, February 3,” sabi pa ng opisyal.
Kinumpirma naman ni Nograles na nagtungo ang Punong Ehekutibo para sa kanyang checkup sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City, subalit hindi nito binanggit kung kailan ito naganap.
Nitong Huwebes, naglabas ng larawan si Senador Christopher “Bong” Go na ipinakitang si Pangulong Duterte ay naka-personal protective equipment (PPE) habang nakasuot din ng face mask at face shield sa loob ng isang kotse.
Sinasabing ang larawan ay kinuha nitong Huwebes ng hapon sa isang lugar sa Metro Manila.
Matatandaan na paulit-ulit na dini-dismiss ng mga aide ni Pangulong Duterte ang panawagan ng publiko para mag-isyu ang Palasyo ng medical bulletin hinggil sa kalusugan ng Pangulo, anila, “the Constitution only demands disclosure in the event of a serious sickness.”
Naganap ang huling public appearance ng Pangulo sa kanyang Talk to the People address noong Enero 24.
Ani Nograles, “presumably on Monday”, ang susunod na public appearance ni Pangulong Duterte.
Comments