ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | January 29, 2021
Hindi na kailangang sabihin pa na ang karunungan na biyaya sa atin ay nararapat gamitin sa kabutihan. Ngunit may mga pagkakataon na ang simpleng katotohanang ito ay kailangang ipaalala upang maging tagapagpaalala rin ng mga leksiyon sa buhay… mga leksiyon na sana ay tanggapin ng isang abogado at mga taong may katulad niya ng kaisipan. Ang maituturing na kapatid na ito sana sa propesyon ng abogasiya ay matatandaang gumawa ng kataliwasan sa layunin ng batas na nararapat sana ay katulong siya sa pagtatanggol at pagsusulong. Kaugnay nito, ang inyong lingkod at si Atty. Erwin P. Erfe, MD, direktor ng PAO Forensic Laboratory Division ay sinampahan ng kaso ng nasabing abogado sa Ombudsman (OMB) noong Oktubre 22, 2018 dahil diumano sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, falsification of public documents, malversation of public funds and illegal use of public funds and property; may administrative complaint din siyang inihain doon. Dagdag pa rito, noon mismong kaarawan ng inyong lingkod noong Agosto 15, 2019, may ilang mga nag-ulat na ako diumano ay pinatatanggal ng ilang mga public attorneys. Subalit, ang nasabing reklamo ay hindi pirmado, mariing pinabulaanan at kinondena sa pamamagitan ng nilagdaang Manifesto ng nasabing public attorneys. Ang black propaganda ay ginamit ng naturang abogado upang manawagan sa OMB upang kami ay imbestigahan. Walang pakundangan na ginamit niya ito, samantalang ‘di kalaunan ay nalaman ng mga nasabing public attorneys na pineke lamang niya ito.
Ang ibinintang ng naturang abogado sa aming public attorneys ay walang basehan at ito ay puro paninira lamang, ganundin ang inihain niya sa OMB. Sa isang resolusyon o kapasiyahan ng OMB na natanggap ng PAO noong Enero 14, 2021, ibinasura ni Kgg. na Ombudsman Samuel Martires ang inihain ng mapanirang abogado. Ayon sa OMB, “The criminal and administrative complaints against the respondents are hereby dismissed for insufficiency of evidence.” Ipinuntos din laban sa nasabing abogado ang paggamit nito sa kanyang reklamo ng mga artikulo sa pahayagan at posts sa social media, kaya ang kanyang mga alegasyon ay hindi maikokonsiderang nagmumula sa kanyang personal na kaalaman. Ang basurang kanyang inilagak sa OMB ay ibinasura rin ng huli dahil sa kawalan ng ebidensiya.
Ang harassment na aming naranasan sa abogadong ‘yun ay kabilang sa mga tinik na pinagtatangkaang itanim sa aming landas patungo sa pagkamit ng hustisya sa mga biktimang may kaugnayan sa kasong Dengvaxia. Ngunit muling napatunayan na ang may masamang budhi at gumagamit ng biyaya sanang karunungan sa kasamaan ay hindi magwawagi. Sa kabila ng mga naturang pangyayari, patuloy ang aming pagganap ng aming mandato sa kaso ni Francis Ivan V. Sedilla at katulad niyang mga biktima.
Si Francis ay 11-anyos nang namatay noong Nobyembre 4, 2017. Siya ang ika-49 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa Cavite; una noong Hunyo 23, 2016; pangalawa noong Enero 18, 2017; at panghuli noong Setyembre 7, 2017. Ayon sa kanyang mga magulang na sina G. Francisco at Gng. Teresa Sedilla:
“Ang aming anak na si Francis Ivan ay nabakunahan kontra dengue sa ilalim ng kampanya ng DOH sa aming lugar. Ipinaalam ng mga health workers sa amin na magkakaroon ng pagbabakuna kontra dengue sa paaralan ng aming anak at siya nga ay kabilang sa mga matuturukan. Ayon sa health workers, ang nasabing bakuna ay libre at mahal ang bayad kung sa pribadong klinika o hospital isasagawa. Bukod doon, proteksiyon daw ito kontra dengue.
“Nag-iisip kami para sa kanyang kapakanan, kaya agad kaming nagpasya na siya ay pabakunahan.”
Noong Nobyembre 3, 2017, nag-umpisang magreklamo si Francis ng pananakit ng tiyan at dinala siya agad sa doktor. Niresetahan siya ng gamot at bumuti naman ang kanyang kalagayan. Subalit, kinabagan siya, umihi at mabula ang kakaunti niyang inihi. Kinabukasan, nagulat si Aling Teresa nang gisingin siya ni Francis dahil napakalamig ng katawan nito at pawisan siya. Bigla rin siyang namutla at isinugod siya ng kanyang mga magulang sa ospital. Pagdating doon, sinabihan sila na lalapatan lamang siya ng paunang lunas, ngunit kinakailangan na ilipat sa mas malaking ospital upang dalhin sa ICU. Posible diumanong na-rupture ang appendix niya. Ang kalagayang ito ni Francis ang dahilan upang siya ay dalhin sa isang ospital sa Maynila kung saan kumpleto ang mga pasilidad. Subalit habang lulan ng ambulansiya patungong Maynila, biglang sumigaw si Francis, umiyak at naghabol ng hininga. Siya ay ibinalik sa ospital na pinanggalingan niya sa Cavite. Sa emergency room, sinubukan siyang i-revive, ngunit sa kasawiang-palad ay tuluyan din siyang pumanaw noong Nobyembre 4, 2017. Anang kanyang mga magulang:
“Pumanaw ang aming anak sa loob ng napakaikling sandali. Masigla at maayos ang kalusugan ni Francis Ivan bago siya maturukan ng bakuna kontra dengue at kailanman ay hindi siya nagkasakit nang malubha. Sa katunayan ay napakaganda ng kanyang pangangatawan at bilog na bilog ito. Subalit nagbago ang lahat nang mabakunahan siya dahil bigla siyang naging sakitin. Ang pagkakaroon niya ng biglaang karamdaman na naging mitsa ng kanyang buhay ay nagsanhi sa amin ng labis na pagkabigla at pasakit.”
Ang pagnanais nina G. at Gng. Sedilla na malaman ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ni Francis at ang pagkakamit ng katarungan sa naging kamatayan nito ang dahilan ng paglapit nila sa aming tanggapan; kaya rin sila humiling ng forensic examination ng PAO Forensic Laboratory Division at legal assistance ng PAO at ng inyong lingkod. Agad kaming tumugon at kasama na ang kaso ni Francis sa mga ipinaglalaban namin ngayon.
Comments