top of page
Search
BULGAR

Malusog na 11-anyos, na-dengue at sinalinan ng dugo at platelets bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 23, 2021



Ang laking bagay ng pag-asa sa patuloy na paglalakbay sa buhay; nakakayanan ng mga dumaraan sa pagsubok ang mabibigat na pasanin at pasakit. Ngunit may mga pagkakataon na hindi naitatawid ng pag-asa sa kabilang dako ng reyalidad ang inaasahang positibo at mabuting kaganapan. Ganito ang naging karanasan nina G. Quirino at Gng. Marichu Mangligot ng Quezon City sa anak nilang si Marqui Rhino B. Mangligot. Anang kanyang ina,


“Noong July 21, 2018 ng gabi, nawala na ang lagnat ni Marqui hanggang kinabukasan, alas-10:00 ng umaga. Laking tuwa na namin dahil bumubuti na ang kanyang kalagayan. Umuwi ako, pero bago ako umalis, nagsabi si Marqui na masakit ang dibdib niya kaya sinabi ko ‘yun sa nurse. Pumalit sa pagbabantay ang aking hipag at tinext ko siya na sabihin sa nurse ang reklamo ni Marqui. Nag-rounds na raw ‘yung nurse at maayos naman si Marqui.”


Ito ay naganap sa mga huling sandali sa buhay ni Marqui, Dengvaxia vaccinee, bago siya sumakabilang buhay noong Hulyo 23, 2018. Si Marqui, 11-anyos, ika-73 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 31, 2017 sa isang ospital sa Quezon City. Ani Gng. Mangligot sa naganap na pagbabakuna, “Tatlo kami sa aming pamilya na naturukan ng Dengvaxia. Pumayag kaming maturukan dahil sa paniniwalang mabuti ito sa aming mga kalusugan, lalo na sa aming mga anak.”


Noong Hulyo 17, 20 at 21, 2018, may mga idinaraing si Marqui sa kanyang katawan. Narito ang mga detalye:

  • Hulyo 17 - Nagreklamo ng pananakit ng ulo si Marqui. Binigyan siya ng paracetamol, ngunit hindi nawala ang kanyang lagnat.

  • Hulyo 20 - Dinala siya sa isang ospital sa Quezon City. Anang kanyang mga magulang, “Malakas pa ang aming anak dahil tumakbo pa siya papunta sa aming sasakyan.” Pagdating sa nasabing ospital, isinailalim si Marqui sa laboratory tests at nagpositibo siya sa dengue. Sinabi ni Gng. Mangligot na naturukan si Marqui ng Dengvaxia. Dahil walang bakanteng kuwarto, binigyan sila ng referral ng nasabing ospital sa isa pang ospital sa Quezon City dahil doon diumano dinadala ang mga nabakunahan ng Dengvaxia. Pagdating nila ng alas-10:30 ng gabi, wala ring bakanteng kuwarto kaya madaling-araw na na-admit si Marqui.

  • Hulyo 21 - Nasa bandang itaas ng artikulong ang insidente sa araw na ito.

Noong Hulyo 22 at 23, 2018 ang naging kritikal na mga sandali sa buhay ni Marqui na humantong sa kanyang kamatayan.

  • Hulyo 22 - Nanikip ang dibdib ni Marqui at nahirapan siyang huminga. Kinabitan siya ng oxygen at nakitaan na rin siya ng rashes sa katawan. Matapos malagyan ng oxygen, nagsuka si Marqui. Pagsapit ng hapon ay inilipat na siya sa ICU at nang gabi, sinabihan ng doktor ang mga magulang ni Marqui na nakagugulat ang biglaang pagbagsak ng kalusugan ng kanilang anak.

  • Hulyo 23 - Madaling-araw, sinalinan ng dugo at platelets si Marqui. Ayon sa mga doktor, hindi nila mapigilan ang pagdurugo at may internal bleeding siya. Sa ICU, siya ay in-intubate at anang kanyang mga magulang, “Sinabi ng mga doktor na ginawa na nila ang lahat para sagipin ang buhay ng aming anak, subalit hindi na niya kinaya at tuluyan nang pumanaw ng hapon ng July 23, 2018.” Dagdag pa ng kanyang mga magulang, “Si Marqui ay walang malalang sakit bago pa siya maturukan ng Dengvaxia. Magana siyang kumain at aktibo, hindi rin siya nadadala sa ospital mula pagkabata maliban na lamang sa huling pagka-confine niya hinggil sa kakaiba niyang nararamdaman.”

Ang kaso ni Marqui ay isa lamang sa mga kasong may kaugnayan sa Dengvaxia kung saan ang pagkakaintindi ng mga magulang ay makabubuti ito sa babakunahan dahil ito ay nagbibigay ng proteksiyon kontra dengue. Anang ina ni Marqui:


“Sinabi ko pa kay si Marqui na ang nasabing pagbabakuna ay regalo ko sa kanya bilang panghabambuhay na proteksiyon kontra dengue. Bago naman kami maturukan ay nagtanong sila kung ako, si Marqui at ang isa ko pang anak ay hindi pa nagkaka-dengue. Sinabi kong hindi pa kami nagka-dengue at wala naman silang sinabi tungkol doon.”


Si Aling Marichu ay isa sa mga magulang ng mga biktima na naghangad lamang ng kabutihan ng kanilang mga anak. Bagama’t masakit ang nangyari, malinaw sa kanya na hindi siya ang naghain ng sarili niyang anak sa altar ng kapahamakan dahil walang ina na maghahangad ng masama sa kanyang mga mahal sa buhay. Mariing sinabi ni Aling Marichu na “Nakapagtataka na kung kailan naturukan ng bakuna kontra dengue si Marqui ay saka pa siya nagkaroon ng dengue.” Ang kanyang pagtataka ay humantong sa pag-alam ng katotohanan at paghahanap ng katarungan sa pagkamatay ni Marqui. Hiniling niya ang tulong ng PAO, ng inyong lingkod at PAO Forensic Team. Kami ngayon ay bahagi ng kanilang laban — sa ngalan ng katotohanan at katarungan — habang ang mga survivor ay patuloy na lumalaban sa bagsik ng kamandag ng viruses na itinurok sa kanila. Ang naghihintay ng katarungan ay hindi na mabilang.

Recent Posts

See All

コメント


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page