sigaw ng magulang
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 09, 2021
Sa patuloy na pagdaing ng mga bata sa tindi ng sakit at hirap na nararamdaman, patuloy ang mga magulang nila sa pagtataglay ng pag-asa na makakayanan nila ang daluyong ng bagsik ng side effects ng itinurok sa kanila. Kung ipinaalam sa kanila na ganito ang mangyayari sa katawan ng mga biktima, hindi sana magaganap ang “mass and indiscriminate” na pagtuturok.
Gayunman, mahalaga ang sapat at tamang kaalaman upang magkaroon din ng wastong kapasyahan sa lahat ng mga bagay. Ang ganitong uri ng impormasyon ay naipagkait sa kanila, ayon sa magulang ng mga biktima na may kaugnayan sa Dengvaxia vaccine. Isa sa mga nasabing magulang ay si Gng. Emelita G. Arguta ng Caloocan City. Narito ang maikling kasaysayan ng kanyang anak na si Editha G. Arguta.
Si Editha ay 17-anyos nang namatay noong Hulyo 12, 2018. Siya ang ika-71 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Naalala ni Gng. Arguta ang tungkol sa pagkakabakuna sa kanyang anak, aniya:
“Noong ika-14 ng Hulyo 2018, habang nakaburol si Editha, nabanggit sa amin ng tatlo sa mga kaklase niya sa elementarya na siya ay isang beses nabakunahan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan noong 2017 o habang sila ay nasa ika-anim na baitang.”
Ayon kay Aling Emelita, si Editha ay lumaking malusog at masiglang bata. Kailanman ay hindi siya nagkaroon ng malubhang sakit. Hindi rin niya naranasang madala sa ospital bukod noong biglaan siyang nagkasakit na humantong sa kanyang maagang paglisan. Narito ang kaugnay na mga detalye ng nasabing pangyayari:
Hulyo 8, 2018 - Nagkalagnat si Editha, ngunit nawala ito nang pinainom siya ng paracetamol. Bukod sa kanyang lagnat, nagreklamo rin siya ng pananakit ng tiyan.
Hulyo 9 - 11, 2018 - Bumalik ang kanyang lagnat. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng ulo, pagsusuka, pananakit ng tiyan, kawalan ng ganang kumain at palaging gusto matulog. Bukod sa mga ito, nanghihina siya at nawawalan ng balanse tuwing siya ay naglalakad. Patuloy niyang naranasan ang mga ito hanggang Hulyo 11, 2018. Bandang alas-7:00 ng gabi ng Hulyo 11, 2018, ayon kay Aling Emelita ay bahagyang nawala ang lagnat ni Editha. Subalit pagsapit ng alas-10:30 ng gabi, nawalan siya ng lakas at tumaas ang kanyang lagnat. Napagpasiyahan ng kanyang ina na isugod siya sa ospital. Habang naghihintay ng masasakyan, alas-11:30 ng gabi ay nag-seizure si Editha, nag-lock ang kanyang panga, tumirik ang kanyang mga mata at hindi na siya makapagsalita. Habang papunta sa isang ospital sa Quezon City ay muli siyang nag-seizure. Pagkarating nila sa nasabing ospital, bandang hating-gabi, kasabay ng pagkabit ng dextrose kay Editha ay agad na isinagawa ng mga doktor ang cardiopulmonary resuscitation (CPR) sa kanya dahil siya ay lupaypay na. Siya ay binigyan din ng gamot para sa puso at sinaksakan ng nasogastric tube (NGT). Nakita umano ni Aling Emelita na may dugong lumabas mula sa ilong ng kanyang anak. Nang panahong ‘yun ay kritikal na ang kalagayan ni Editha. Ayon kay Aling Emelita, sa dalawang magkasunod na electrocardiogram (ECG), may nakita pang pagtibok sa kanyang puso.
Hulyo 12, 2018 - Ala-1:30 ng madaling-araw, base sa resulta ng ikatlong ECG ni Editha, hindi na nakitaan ng pagtibok ang kanyang puso at sinabihan na si Aling Emelita ng mga doktor na ang kanyang anak ay tuluyan nang pumanaw. May kaugnay na paglilinaw tungkol dito si Aling Emelita. Ayon sa kanyang salaysay:
“Aking inilalakip bilang Annex “A” ang Certificate of Death ni Editha. Ayon sa nasabing dokumento, siya ay pumanaw noong ika-11 ng Hulyo 2018, subalit base sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari, siya ay namatay noong ika-12 ng Hulyo 2018, ala-1:30 ng madaling araw.”
Narito naman ang kanyang pahayag sa pagkamatay ng kanyang anak:
“Napakasakit para sa akin ang biglaang pagpanaw ni Editha. Gaya nang nasabi ko, siya ay isang masigla, aktibo at malusog na bata. Lalong napakahirap para sa akin na tanggapin ang kanyang biglaang pagkawala dahil hindi naipalaam sa amin na siya ay naturukan ng Dengvaxia. Nalaman lang namin na siya nga ay nabakunahan noong siya ay nakaburol na. Sana man lang ay may nagawa kami para maiwasan ang kanyang hindi inaasahang pagpanaw kung mas maaga naming nalaman na siya ay naturukan ng Dengvaxia.”
Hindi man mababawi at maibabalik ang nawalang buhay ni Editha, hindi naman hinahayaan ni Aling Emelita na ang naganap na trahedya ang maging katapusan ng kuwento ng kanyang anak. Ang pakikipaglaban ni Aling Emelita para sa katarungan ng pagkamatay ni Editha ay nagsisilbing mahalagang karagdagang yugto sa kasaysayan ng yumao niyang anak.
Para sa inyong lingkod at kasamang public attorneys, ganundin ang forensic doctors at staff na hiningan ni Aling Emelita ng tulong sa kaso ni Editha, ang mapabilang sa bahaging ito ng kuwento ng yumao ay aming pinahahalagahan upang makatulong sa mga biktima.
Kommentare