ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | April 1, 2024
Napanalunan ni Pinay parbuster Rianne Mikhaella Malixi ang pangalawang puwesto sa katatapos na Junior Invitationals Tournament sa palaruan ng Sage Golf Club sa Graniteville, South Carolina.
Isinalpak ni Malixi, 16-taong-gulang, ang kabuuang iskor na 3-under-par 213 strokes upang makuha ang runner-up honors sa likod ng 207 ni Asterisk Talley ng USA.
Mabagal ang naging simula ni Malixi sa tatlong araw na kaganapan dahil sa 73-71 na mga marka. Pero malaking tulong sa kampanya ng pangunahing lady parbuster ng Pilipinas ang hataw niya sa huling araw kung saan ikinalat nito ang birdies sa pang- 4, -6, -8 at -10 na mga butas upang makontra ang tanging bogey sa hole 7.
Tatlong palo sa likod ni Malixi ang trio nina Ella Galitsky (Thailand) , Jasmin Koo (USA) at Yana Wilson (USA) na nagsalu-salo sa huling upuan ng podium.
Nasa kasagsagan si Malixi ng kanyang paghahanda sa paglahok sa Augusta National Women's Amateur simula April 3 sa Augusta, Georgia. Malupit din ang kasalukuyang porma nito dahil nakaakyat na siya sa top 26 sa world amateur ranking matapos masadlak sa labas ng unang 50 amateur golfers. Malaki rin ang pag-asa nitong maging kinatawan ng bansa sa Paris Olympics base sa qualifying rules ng mga mangangasiwa ng golf sa prestihiyosong kompetisyon.
Sariwa rin siya sa mga impresibong resulta ngayong 2024. Matatandaang kamakailan lang ay pumanglima si Malixi sa Women Amateur Asia Pacific o WAAP (Pattaya, Thailand). Sumampa rin siya sa trono ng Australian Masters of the Amateurs at naging top 8 rin sa bakbakang tinaguriang Australian Amateurs. Nagrehistro rin si Malixi ng course record (63 strokes) sa WAAP.
Comments