top of page
Search
BULGAR

Maling paraan ng pagpapapayat, pahiwatig ng panaginip na ayaw tumigil sa pagkain

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 23 , 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Cathy na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nitong nakaraang quarantine, nagtataka ako sa panaginip ko dahil ang lakas-lakas kong kumain at parang hindi ako nagsasawa sa kakakain. Tapos, nang maubos ‘yung pagkain ko, nagluto at kumain ako ulit. Hindi ako makapaniwala sa panaginip ko dahil sa kasalukuyan ay nagda-diet ako, pero sa panaginip, lumaki ang baywang ko at nagkakabilbil din ako. Tapos, dating 26 ang waistline ko, pero naging 30 na. Ano ang kahulugan at masasabi n’yo sa panaginip ko?


Naghihintay,

Cathy

Sa iyo, Cathy,


May paalala ang panaginip mo na sana ay iyong pakinggan. Ang sabi, masama ang ginagawa mo na nagda-diet ka o hindi tama ang paraan ng pagpapapayat mo. Kapag hindi kumakain ang tao, hihina ang kanyang katawan at siya ay puwedeng magkasakit. Kapag ang tao ay kulang sa pagkain, ibig sabihin, kumakain din pero hindi maayos ang kanyang kinakain, siya rin ay puwedeng magkasakit. Kapag nasanay ang katawan sa isang regular na aktibidad, tapos biglang binago ang kanyang lifestyle, siya rin ay puwedeng magkasakit.


Marami ngayon ang nagda-diet dahil uso ang pagiging obese. Mahirap kasing iwasan ang kultura o nakagawian ng marami na kasabay ng kasiyahan o selebrasyon ay kain nang kain at walang kontrol.


Sa panahon namang ito ng pandemya, dahil nasa bahay lang, kapag walang magawa ay kain din nang kain. Kumbaga, puwede kaya na kapag magsasaya tayo, huwag na tayong maghahanda ng kung anu-anong pagkain, lalo na ng matatamis at matatabang pagkain, tulad ng sa masarap na lutuin na karne, baboy, baka at kung anu-ano pang laman-hayop?


Ang isa pang hindi maganda sa nakasanayan natin ay masarap na nga ang lutuin, dadagdagan pa ng pampagana tulad ng sili, paminta, betsin at mga sangkap na lalong nagpapasarap dito. At isa pa, hindi lang simpleng paghahaulin ang naimbento natin dahil uso rin ang isda na babalutin ng dahon ng saging at ang mga karne ay tutuhugin at kahit ang mga gulay ay lalagyan pa rin ng mga mamahaling pampasarap.


Pero hindi sa ganyan natatapos ang pagluluto dahil uso rin ang paghahain kung saan nilalagyan din ng mga dekorasyon ang pagkain na para bang mga alay sa hapag-kainan. Kaya sa panahon ngayon, mabilis tumataba, hindi lamang ang kabataan kundi pati ang matatanda.


Sa totoo lang, ang nakaugalian natin na ganyan ay hindi maganda, pero may isa pang mas hindi maganda at ito ay bigla tayong magre-reduce o magda-diet.


At dahil ayon sa panaginip mo na mali ang biglaang pagpapayat mo, mas maganda na dahan-dahan lang ang gawin mo, kumbaga, hindi puwede ang biglaan. Kunsabagay, kahit ikaw din ay sasabihin mo na sa lahat ng bagay, ang biglaan ay masama. Kahit sa pag-eehersisyo, hindi maganda na nabibigla ang katawan.


Sabi rin ng iyong panaginip, kumain ka, ibig sabihin, hindi puwedeng hindi ka kumain. Kaya ang paraan ng pagpapapayat na nagpapayo na huwag kakain ay huwag mong susundin. Sa halip, kumain ka. Muli, ito ang sabi ng panaginip mo, kumain ka ng masasarap, dahan-dahan lang o huwag sobrang marami tulad ng ginawa mo sa nagdaang mga araw bago ka pa mag-diet.


Tandaan mo rin na kapag hindi ka nakinig sa babala ng iyong panaginip, muli, puwede kang magkasakit.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page