ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | June 7, 2024
Sa kasalukuyang panahon na malawak na ang saklaw at naaabot ng teknolohiya, higit na dumami rin ang paraan at pagkakataon na makagawa ng hindi maganda sa ating kapwa.
Nariyan ang kaliwa’t kanang scam at panloloko, higit na lumalaganap din sa social media ang iba’t ibang uri ng paninirang-puri at libel.
Ang mga ganitong gawain na ginagamit sa negatibong pamamaraan ang teknolohiya ay nagiging sanhi rin ng mga daing ng ating nabibiktimang mga kababayan.
Bagaman ang bawat isa sa atin ay mayroong karapatan, hindi maaaring gawin ang mga bagay na ang kapwa natin ay masasagasaan.
Ang karapatan ay palaging may kaakibat na responsibilidad. Mayroon man tayong kalayaan na makapagpahayag, hindi nangangahulugan na lahat ng saloobin ay maaari nating sabihin o ibunyag.
Gayundin, hindi dapat basta-basta maghain ng paghahabla. Hindi sapat na sa hinala lamang tayo bumatay, kinakailangan na mayroong ebidensya ang ating bawat legal na pakay. Higit na pakatatandaan na mayroong mga rekisito ang ating batas na lampas sa makatuwirang pagdududa ang bawat krimen ay dapat mapatunayan. Kung hindi man magtagumpay sa pagpapatunay ang nag-aakusa, ang kanyang inaakusahan ay mapapawalang-sala.
Kaparehas na sitwasyon ang kinaharap ng taong paksa ng ating kuwento sa araw na ito, batay sa kasong People of the Philippines vs. Christoffer Joides Holgado y Algabre (CA-G.R. CR No. 45123, November 17, 2023). Ating tunghayan ang kanyang pinagdaanan at kung paano niya nakamtan ang inaasam-asam niyang kalayaan.
Si Christoffer ay sinampahan ng kasong cyber libel dahil sa paglabag sa Section 4(c)(4) ng Republic Act (R.A.) No. 10175.
Ang kaso ay nag-ugat sa isang post na ginawa diumano ni Christoffer noong Pebrero 21, 2019 sa Facebook, isang social media platform, ng mga mapanirang kataga na “KOTONGERO, CERTIFIED, #SUPERHULIDAP, KOTONG POSO, #ROY RINGON”, kalakip diumano ang larawan ng pribadong nagrereklamo na si Roy.
Si Roy ay isang kawani ng Public Order and Safety Office (POSO) sa Probinsya ng Laguna.
Batay sa bersyon ng tagausig, nalaman umano ni Roy ang ukol sa nasabing Facebook post nang ibalita ito sa kanya ng kanyang kaibigan at nang siya ay sarkastikong kantiyawan ng kanyang mga katrabaho ukol dito.
Ang may-akda umano ng naturang post ay isang “Kristian Alejar” at naiugnay umano ni Roy na ang inakusahan na si Christoffer dahil sa pagkakahalintulad ng mga pangyayari sa naturang post at sa pagkakahuli at pagkakabigay niya ng traffic citation ticket (TCT) kay Christoffer.
Si Christoffer lamang diumano ang nahuli ni Roy bago ang araw na mailathala ang naturang post.
Nakadagdag pa umano sa hinala ni Roy na iisa lamang si “Kristian Alejar” at si Christoffer dahil sa galit umano siyang pinuntahan ng ina ni Christoffer at ang pagpunit nito sa nasabing TCT.
Mariin namang itinanggi ni Christoffer na siya si “Kristian Alejar”. Wala umano siyang trabaho at wala siyang paraan upang makapag-post sa Facebook.
Noong naganap umano ang pagkaka-ticket sa kanya, marami ang nakakita at nakasaksi, kung kaya’t maaaring kahit na sino sa mga iyon ang nagpalathala ng naturang Facebook post.
Ayon din kay Christoffer, ang reklamo laban sa kanya ay maaaring bunsod umano ng ginawang pagkumpronta ng kanyang ina sa nagrereklamong opisyal. Kahit umano ang Hepe ng POSO ay pilit siyang pinaaamin sa harap ng kabuuan ng kanilang tanggapan, na siya ang “Kristian Alejar” na may-akda ng mapanirang lathala.
Sinuportahan ni Bb. Lim, kasintahan ni Christoffer ang depensa nito. Ayon kay Bb. Lim, kasama niya si Christoffer noong Pebrero 21, 2019 at wala umanong paraan si Christoffer upang makapag-internet, kahit makapag-Facebook, noong panahong iyon. Sapagkat, wala umanong telepono si Christoffer. Kahit umano sa telepono ni Bb. Lim, na payak lamang, ay hindi sila makapag-Facebook.
Matapos ang paglilitis sa kaso sa Regional Trial Court (RTC), nagpalabas ang hukuman ng hatol na pinapatawan si Christoffer ng fine na P40,000.00, na mayroong subsidiary imprisonment kung sakaling siya ay hindi makapagbayad.
Ipinag-utos din ng RTC ang pagbabayad ni Christoffer ng P50,000.00 bilang moral damages at P75,000.00 bilang attorney’s fees, na may pataw na 6% mula sa araw na maging pinal ang naturang hatol hanggang sa ang kabuuan ng mga ito ay mabayaran niya.
Para sa RTC, napatunayan umano ang identity ng inakusahan batay sa circumstantial evidence.
Hindi sumang-ayon si Christoffer sa nasabing desisyon, kung kaya’t siya ay naghain ng kanyang apela sa Court of Appeals (CA). Para kay Christoffer, hindi umano napatunayan ng tagausig na siya ang may-akda ng mapanirang Facebook post.
Sa Desisyon na ipinalabas ng CA, ipinaalala nito ang kahalagahan ng pagpapatunay nang higit sa makatuwirang pagdududa o beyond reasonable doubt sa dalawang napakahalagang bagay; una, ang bawat elemento ng krimen; at ikalawa, ang pagkakakilanlan o identity ng taong gumawa ng krimen.
Sumang-ayon ang CA kay Christoffer na hindi napatunayan ng tagausig ang kanyang identity bilang may-akda ng krimen na cyber libel. Bagaman nailathala ang mapanirang post noong Pebrero 21, 2019 at ang pagkaka-ticket kay Christoffer ay nangyari bago ang nasabing paglalathala, hindi umano nangangahulugan na iisa ang tinutukoy na insidente.
Maaari umano na ang tinutukoy na insidente sa nasabing post ay naganap dalawa, tatlo, apat o higit pang mga araw bago ang naturang paglalathala.
Mayroon din umanong posibilidad na ibang tao na mayroong hinaing o sama ng loob kay Roy ang naglathala nito, isang bagay na hindi umano naisaalang-alang ng RTC. Hindi rin umano naisaalang-alang ng RTC na marami ang nakasaksi nang mabigyan ng ticket si Christoffer at nang maganap ang pagpupulong noong ipatawag siya ng Hepe ng POSO.
Kung kaya’t hindi umano maiaalis ang posibilidad na ibang tao ang naglathala sa ilalim ng pangalang “Kristian Alejar”.
Para rin umano sa CA, ang mga isinumite ng tagausig na Facebook screenshots ay hindi napatunayan alinsunod sa Rules on Electronic Evidence. Wala umanong katibayan kung paano ang mga ito nakuha, naitago at nailimbag. Hindi rin umano ito na-authenticate sa pamamagitan ng affidavit of evidence alinsunod sa Section 1, Rule 9 ng Rules on Electronic Evidence. Dahil dito, wala umanong silbi at halaga ang mga naisumite na screenshots at hindi umano maaaring tanggapin ang mga ito bilang ebidensya laban sa akusado.
Panghuli, hindi umano napatunayan ang malice na isa sa mga elemento ng ipinupukol na krimen laban kay Christoffer.
Dahil sa mga kakulangan na nabanggit na hindi lumampas sa pampuna ng appellate court, iginawad ng nasabing hukuman ang pagpapawalang-sala kay Christoffer.
Ang pabor na Desisyon na ibinaba ng CA ay naging final and executory noong Nobyembre 17, 2023.
Nawa ay magsilbing aral ang kaso na ito sa ating mga tagasubaybay na huwag magpadalus-dalos ng paghahabla. Batid namin na nais ng bawat nagrereklamo na makamit ang hustisya, pero ang reklamo na walang sapat na ebidensya ay malaking dagok at abala sa maling maaakusahan. Hindi dapat maranasan ninuman na siya ay maling maakusahan.a.
Comments