top of page
Search
BULGAR

Maling billing statement ng credit card posibleng may parusang multa at kulong

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 24, 2023


Dear Chief Acosta,


Matagal na 'kong gumagamit ng credit card sa pagbabayad ng ilang bilihin. Tinatago ko ang mga resibo ng mga pinamili ko gamit ng aking credit card at nililista ko rin para masigurado na tama ang aking mababayaran sa due date. Dumating ang aking billing statement at nagulat ako na may ibang nakalagay doon na mga gamit na hindi ko naman binili gamit ang aking credit card. May proseso ba akong kailangang gawin upang maisaayos ito? Salamat muli sa inyo. – Ger

Dear Ger,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 18 ng Republic Act (R.A.) No. 10870, o mas kilala bilang "Philippine Credit Card Industry Regulation Law", na nagsasaad na:

“Section 18. Complaint on Billing Error or Discrepancy. - A credit card issuer shall give cardholders up to thirty (30) calendar days from statement date to report any error or discrepancy in their billing statement. The credit card issuer shall take action within ten (10) business days from receipt of such notice.”

Ayon sa nasabing probisyon ng batas, kung sakaling may pagkakamali o pagkakaiba sa isang billing statement ng mga credit card holders, kailangan na ito ay kanilang i-report sa credit card issuer sa loob ng tatlumpung araw magmula sa statement date. Bilang kasagutan dito, ang responsableng credit card issuer ay kailangan aksyunan ang nasabing report sa loob ng 10 araw ng pagkatanggap nito.

Sa iyong nabanggit na sitwasyon, kinakailangan na i-report mo sa iyong credit card issuer ang nasabing pagkakamali sa billing statement. Importante rin na magawa mo ito sa loob ng 30 araw magmula sa iyong statement date. Matapos nito, maaari mong hintayin ang tugon ng iyong credit card issuer ukol sa kanilang gagawing aksyon.


Karagdagan dito, nais din naming ipaalam sa iyo na may karampatang multa o pagkakakulong, o parehong multa at pagkakakulong, na maaaring ipataw sa sino man na mapatutunayan na lumabag sa kahit anong probisyon ng R.A. No. 10870 alinsunod sa Seksyon 27 ng nasabing batas.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page