top of page
Search
BULGAR

Malinaw na kahulugan ng kasong estafa

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | Abril 5, 2024

Hindi madaling maharap sa kaso, ikaw man ang nagrereklamo o inirereklamo. 

 

Maraming taon ang binibilang at mahabang panahon ang lumilipas na hindi alam ng bawat partido kung kailan magwawakas ang asuntong kanilang kinasasangkutan. 

 

Ngunit, kahit na napakaraming araw at pagkakataon ang nasayang at hindi na maibabalik pa.

 

Pero, tuwa at galak sa dibdib pa rin ang madarama sa oras na matanggap ang kalayaang kinasasabikan. 

 

Natapos na rin sa wakas ang pagdaing sa kaso na may pinagdaanang tila pagkakalibing sa hukay.


Ang kaso na aming ibabahagi ngayon na hawak ng aming Tanggapan, People of the Philippines vs. Raul Steven R. Catli (CA-G.R. CR No. 45950, August 14, 2023), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Nina G. Antonio-Valenzuela ng 12th Division. 

 

Mahabang panahon ang naigugol sa kasong ito. Gayunman, matagumpay pa rin natamo ng naakusahan ang hustisya.  

 

Sinampahan ng kasong estafa sa ilalim ng Article 315, paragraph 1(b) ng ating Revised Penal Code si Raul. 

 

Nag-ugat ang nasabing kaso dahil diumano sa hindi pagbibigay ni Raul ng kabayaran kay Gloria para sa mga alahas na napunta sa kanya, na nagdulot diumano ng kapinsalaan. 

 

Batay sa ebidensya na isinumite ng tagausig sa Regional Trial Court (RTC), ibinigay diumano ni Gloria kay Raul ang limang gintong singsing at kuwintas, sa kasunduan na ibebenta ni Raul ang mga ito sa halagang P500,000.00. Sa loob ng isang buwan ay dapat maibalik na ito kay Gloria.

 

Nagbigay umano ng isang tseke si Raul na mayroong halagang P500,000.00. Ngunit lumipas ang isang buwan na hindi naibigay ni Raul kay Gloria ang napagkasunduang halaga o ang mga alahas. Tumalbog din umano ang nasabing tseke na ibinigay ni Raul.


Nagpadala diumano ng demand letter si Gloria, pero hindi pa rin tumalima si Raul sa nabanggit na obligasyon.


Nagbaba ng hatol ang RTC kay Raul ng parusang arresto menor, bilang minimum, hanggang prision correccional, bilang maximum.

 

Napatunayan diumano ang mga elemento ng estafa, sumapat din ang testimonya ni Gloria at hindi napatunayan nang naakusahan na mayroong maling motibo si Gloria sa pagsasampa ng kaso.


Agad na naghain ng apela si Raul sa Court of Appeals (CA) at iginiit na mali ang naging hatol sa kanya ng RTC, sapagkat hindi umano napatunayan ng tagausig na natanggap ni Raul sa pagtitiwala o “in trust” ang mga nasabing alahas, na nilustay niya ang mga ito sa kapinsalaan ng pribadong nagrereklamo, at na natanggap ni Raul ang sinasabing demand letter.


Matapos ang muling pagsusuri sa kaso ni Raul, naglabas ng desisyon ang CA na binabaligtad ang hatol na inilabas ng RTC. 

 

Ang partikular na probisyon ng batas na sumasaklaw umano sa legal na usapin sa kasong ito ay nagsasaad:

 

“Article 315. Swindling (estafa). The fraud be committed by any of the following means:

1. With unfaithfulness or abuse of confidence, namely: 


(b) By misappropriating or converting, to the prejudice of another, money, goods, or any other personal property received by the offender in trust or on commission, or for administration, or under any other obligation involving the duty to make delivery of or to return the same, even though such obligation be totally or partially guaranteed by a bond; or by denying having received such money, goods, or other property.”


Ang mga elemento umano ng krimen na estafa, ay ang mga sumusunod:

 

“(1) that money, goods, or other personal properties, are received by the offender in trust, or on commission, or for administration, or under any other obligation involving the duty to make delivery of, or return, the same; (2) that there is misappropriation or conversion of such money or property by the offender or a denial of the receipt thereof; (3) that the misappropriation or conversion or denial is to the prejudice of another; (4) that there is demand made by the offended party on the offender.”

 

Ayon sa CA, ang ikaapat na elemento, ang paniningil ng pribadong nagrereklamo lamang ang napatunayan ng tagausig. Hindi umano napatunayan ng tagausig ang unang elemento – na natanggap ni Raul mula kay Gloria, sa pagtitiwala, komisyon o para sa pangangasiwa, ang mga nasabing alahas at na mayroong obligasyon si Raul na ibalik ang mga ito. Mababanaag umano sa demand letter ni Gloria na bentahan o sale ang naganap sa pagitan nila ni Raul. Kung kaya’t ang nabuo sa pagitan nila ay ang relasyon ng vendor at vendee. Kaugnay nito, ipinaliwanag ng CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Antonio-Valenzuela:

 

“Estafa is not committed if the transaction is a sale by which the ownership of the thing sold transfers to the accused (as the vendee) even if the vendor is not paid the proceeds in full by the vendee. The failure of the accused (as the vendee) to pay the consideration in full only results to the complainant being unpaid vendor. The accused (as the vendee) does not incur criminal liability for estafa for the right of the complainant as unpaid vendor is only demand the fulfillment or the cancellation of the obligation.”

 

Hindi rin umano napatunayan ng tagausig ang ikalawa at ikatlong elemento ng nasabing krimen.

 

Dahil bentahan diumano ang napagkasunduan ng mga partido, na kung saan ang pagmamay-ari ng mga gamit ay isinalin sa bumili, mayroong karapatan at kalayaan umano si Raul na gamitin ang mga ito sa anumang paraan. Kung kaya’t taliwas umano ang naturang karapatan at kalayaan sa bintang na paglulustay o maling paggamit sa mga alahas sa kapinsalaan ni Gloria.

 

Binigyang-diin ng CA na maaari lamang mahatulan ang inaakusahan kung mapapatunayan ang lahat ng mga elemento ng krimen nang lagpas sa makatuwirang pagdududa.

 

Kung wala o kulang ang ebidensya, kinakailangan na kilalanin at katigan ang presumption of innocence ng inaakusahan. Kung kaya’t iginawad kay Raul ng CA ang pagpapawalang-sala.


Mahigit-kumulang pitong taon din ang itinagal ng kasong ito. Marami ang naganap sa pagitan ng mga panahong ang kaso ay tumatakbo. Ganunman, gaan sa loob ang aming nadarama sa pagkakataon na tulad nito, sa huli ay nailaban ang kapakanan ng aming kliyente na akusado.

 

Mananatiling matatag ang aming Tanggapan sa pagtupad ng aming mandato gaano man ito kahirap at katagal. Ang mahalaga ay maigawad ang tamang hustisya sa mga partido ng bawat kaso. Nawa’y patuloy na gabayan ang aming Tanggapan ng Maykapal, upang patuloy rin naming maipagtanggol ang mga taong nasasakdal.

 

 

 

 

 

 

 

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page