ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | July 27, 2023
KATANUNGAN
May kinakasama ako sa ngayon at pareho kaming dating may asawa, may mga anak din kami sa una naming mga asawa. Ngayon, okey naman ang pagsasama namin. Noong una ay magulo, pero ngayon okey na kahit minsan ay may mga ‘di pagkakaintindihan, pero ‘di naman ‘yun mawawala sa isang relasyon. Sa katunayan nga nitong nakaraang buwan ay limang taon na ang aming pagsasama.
Pero sa kabila nito hindi pa rin ako kampante, dahil dati na rin siyang naging babaero pero mula raw noong nagsama kami ay nagbago na umano siya.
Maestro, gusto kong basahin mo ang guhit ng aming palad upang malaman ko kung maghihiwalay pa ba kami o magsasama na kami habambuhay?
KASAGUTAN
Dalawa ang Marriage Line sa kaliwang palad (Drawing A. 1- M at 2-M arrow a. at b.) ng live-in-partner mo habang isa lang ang Marriage Line sa kanang palad (Drawing B. 1-M arrow c.) at kapansin-pansin din ang pagiging konti ng guhit ng kanyang palad.
Ibig sabihin, totoo at tama ang kanyang sinasabi na kung nambabae man siya noon, ay noon iyon, pero sa ngayon ay tunay ngang nagbago na siya. At kung sakali mang mambabae ang live-in-partner mo, hindi na ‘yun magiging seryoso. Sa halip, ang tunay na seseryosohin niya ngayon, ay ‘yung kanyang nakakasama, walang ibang kundi ikaw. At dahil nga dalawa ang kanyang Marriage Line sa kaliwa - ito ay patunay lamang na habambuhay na siyang magiging tapat sa iyo.
Kumbaga, ‘yung dalawang Marriage Line ay nakatakda sa buhay niya, (arrow a. at b.) at nangyari na nga, pero noong nakilala at nakasama ka niya napag-aralan niya na rin ang maging kuntento sa isang relasyon. Umasa kang magiging panghabambuhay na nga ang inyong samahan.
Samantala, halos ganundin ang Marriage Line sa kaliwa at kanan mong palad kung saan, nag-aanyong parang dalawa sa kaliwang palad (Drawing B. arrow a. at b.) subalit naging parang “overlapping” na isang Marriage Line (1-M arrow b.) sa kanang palad. Ibig sabihin, bagama’t ikalawang pag-ibig o pag-aasawa mo na rin ang kasalukuyan mong ka-live-in, masasabing kung sino ang huling dumating at kasalukuyan mong kinakasama, sa kanya ka na habambuhay na magtitiis, tatanda at habambuhay na magiging maligaya.
DAPAT GAWIN
Marissa, wala kang dapat gawin ngayon kundi ipayapa ang iyong isipan. Sapagkat ayon sa iyong mga datos, tiyak ang magaganap, walang duda kayo na nga ng kasalukuyan mong kinakasama ang magsasalo sa isang maunlad at panghabambuhay na pagmamahalan.
Komentar