top of page
Search

Maligayang ika-67 kaarawan ni ka Eduardo Manalo

BULGAR

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | October 29, 2022


Noong nakaraang linggo ay muli tayong nag-ikot lulan ng ating motorsiklo kasama ang halos 20 riders na malalapit sa atin at ito ay hindi naman opisyal na lakad dahil nagkatuwaan lang at biglaang nagkayayaan.


Karamihan ay miyembro ng 1-RIDER Partylist ang mga ‘kagulong’ na sumama sa amin at kahit walang preparasyon ay binagtas namin ang mga daan mula Laguna, Batangas at ilang bayan sa Quezon kahit may pagkakataong inaabot kami ng saglit na pag-ulan.


Masaya ang ganitong aktibidades dahil nakakalimutan natin sandali ang trabaho natin sa Kongreso bilang Representante ng 1-RIDER Partylist pero sa tuwing hihinto kami para magpahinga ay pinuputakte pa rin ako ng kung anu-anong tanong.


Karamihan sa mga tropa nating ito ay taga-subaybay natin at palagi silang nagbabasa ng BULGAR at tuwang-tuwa umano sila na madalas nating tinatalakay ang mga paksang may kaugnayan sa mga nagmomotorsiklo.


Dahil sa malakas na buhos ng ulan ay sa karinderya na may malawak na bubong kami sumilong sa bandang Quezon at doon ay nagpapalitan lang kami ng mga kuro-kuro at ideya kung paano mapagaganda pa ang kalagayan ng ating mga ‘kagulong’.


Hanggang sa mapadpad na sa relihiyon ang usapan at doon nakumpirma na ang mga ‘kagulong’ na sumama sa akin ay karamihang miyembro ng Iglesia Ni Cristo.


Sa puntong ito ay napunta na ang usapan sa pagiging miyembro ng Iglesia Ni Cristo at marami ang nagtatanong kung paano ang sistema ng pananampalataya at mga aral na itinuturo na isa-isa namang ipinaliwanag ng mga miyembro sa mga ‘kagulong’ naming hindi miyembro.


Hanggang isa nga sa mga ‘kagulong’ natin ang nagsabi na batiin ko naman daw sa ating sinusulatang pahayagan si Ka Eduardo V. Manalo ang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia NI Cristo dahil marami umano ang sumusubaybay sa atin.


Pumayag ako at nagpalakpakan ang mga ‘kagulong’ ko na miyembro ng Iglesia Ni Cristo dahil unang-una ay sino ba naman ang hindi nakakakilala kay Ka Eduardo Manalo pero nang magsisimula na akong magsulat ay saglit akong natigil dahil nagbasa ako saglit para madagdagan ang aking impormasyon.


Doon ko nalaman na sa Oktubre 31 ay magdiriwang ng kanyang ika-67 kaarawan si Ka Eduardo at milyun-milyong miyembro nito ang lahat ay pinananabikan ang pagdating ng kanyang kaarawan.


Grabe na ang narating ng Iglesia Ni Cristo kung susukatin ang kanilang tagumpay dahil hindi lamang sa ating bansa namamayagpag ang naggagandahan nilang kapilya dahil maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay napakarami na ng Iglesia ni Cristo.


At napatunayan ko ‘yan mismo dahil ilang beses na rin akong nag-travel abroad at talagang bilang Pilipino ay mapa-proud ka na may mga kapilya ng Iglesia Ni Cristo sa ibang bansa na alam mong sa Pilipinas nagmula.


Tapos napakatahimik ng Iglesia Ni Cristo, pero noong kasagsagan ng pandemya ay nagsagawa pala sila ng Worldwide Lingap sa Mamamayan at napakarami ng kanilang natulungan hindi lang sa gamot kung hindi maging sa supply ng pagkain.


Ilang bansa ang kanilang pinuntahan para lamang magdala ng tulong at hindi sila namimili dahil kahit hindi Pilipino ay binigyan nila ng tulong na isa rin sa nakaka-proud bilang Pilipino kahit hindi ka miyembro ng Iglesia Ni Cristo.


Ngayon ay nangangarap na ako na isang araw ay makita at makilala ko ng personal si Ka Eduardo, dahil napatunayan ko sa sarili ko na hindi lang mga aral ng Panginoon ang kanilang ipinaglilingkod dahil maging serbisyo-publiko ay ipinagkakaloob nila.


Kaya bilang unang Representante ng 1-RIDER Partylist kasama ang aking mga ‘kagulong’ ay bumabati kami ng MALIGAYANG KAARAWAN KAY KA EDUARDO MANALO at sana ay mas maging matagumpay at mas lumaganap pa ang Iglesia Ni Cristo.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page