top of page
Search
BULGAR

Malawakan at sunud-sunod na tigil-pasada, nagbabadya

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | November 18, 2023


Tila kahit anong gawin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa inaakala nilang mabuti sa kapakanan ng transport group ay sa mga protesta din mauuwi ang lahat tulad ng panibagong tigil-pasada na naman sa darating na Lunes.


Noong nakaraang Martes ay pumayag na ang LTFRB na palawigin ang guidelines para sa jeepney drivers at operators sa paglipat sa modern vehicle matapos ang isinagawang konsultasyon sa stakeholders.


Ayon sa LTFRB Technical Division, pinalawig umano ang timeline sa pagpapalit ng bagong unit, kasama na ang pagbabago ng distance policy ng bawat ruta na isasama sa mismong modernisasyon.


Kasama umano sa natalakay ang mekanismo sa pag-avail ng mga financial assistance mula sa pamahalaan para sa kanilang loans na gagamitin sa kanilang mga sasakyan at ilang pagbabago sa policy guidelines ng consolidation.


Nakatakda pa rin ang deadline para sa industry consolidation sa December 31, 2023 ngunit ang dating subsidiya na P160,000 ay itinaas hanggang P210,000 na kung sisipatin natin ang motibo ay upang mas maraming driver at operator ang makumbinsi.


Nais ng LTFRB na matulungan ang mga transport group o mga transport cooperatives and corporation na mas mapadali kung mag-a-avail ng loans para iyong equity umano nila na kailangang ibigay sa mga bangko ay hindi na manggagaling sa kanilang bulsa.


Kumbaga, kahit tumaas man ng bahagya ang presyo ay mako-cover pa rin noong equity na ibinigay ng ating pamahalaan at maaaring makuha ang naturang subsidiya sa pamamagitan ng Landbank o sa Development Bank of the Philippines.


Kung kuwalipikado umano maging ang kanilang ruta ay walang dahilan para hindi maaprubahan at kapag nabigyan na ng provisional authority o prangkisa ang kanilang mga unit ay ire-release na ang equity subsidy sa mga cooperative o corporation.


Ngayon, kung medyo may kalituhan pa rin ay naglabas ng buong detalye hinggil sa konsolidasyon ang LTFRB na naka-post ang buong guidelines sa kanilang website.


Dahil sa hakbanging ito ng LTFRB ay inakala nating maliwanag at nagkakaintindihan na ang LTFRB at ang mga transport na halinhinan lang sa pagsasagawa ng mga kilos protesta — na lahat tutol pa rin sa modernisasyon ng tradisyunal na jeepney.


Hindi ba’t ilang linggo pa lamang ang nakararaan nang magsagawa din ng tigil-pasada ang grupo ng MANIBELA na bukod sa tinututulan ang talamak na korupsiyon sa LTFRB ay tinututulan din nila ang nalalapit na phaseout ng tradisyunal na jeepney sa Disyembre 31, 2023.


Ngayon heto na naman, magsasagawa ng tatlong araw na transport strike ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) simula Nobyembre 20 hanggang 23 at ganoon din ang kanilang isinisigaw -- tutulan ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).


Ibang grupo, ibang atake, ngunit pareho rin ang reklamo at nais nilang mapansin ang kanilang hinaing tulad din ng ibang transport group na dapat ay umaksyon ang pamahalaan bago sumapit ang katapusan ng taong kasalukuyan na deadline ng PUVMP.


Kung pakikinggan natin ang PISTON, ang PUVMP umano ay masaker sa kanilang kabuhayan at lantarang pang-aagaw sa kanilang prangkisa upang magbigay daan umano sa monopoly at kontrol ng malalaking korporasyon sa transportasyon.


Ang PUV modernization program ay sinimulan noong 2017, sa layunin na palitan ang mga jeepney ng Euro 4-compliant engine para mabawasan ang polusyon na tinutulan ng mga operators dahil aabot umano ang kanilang gastusin ng mahigit P2 milyon.


Nilinaw naman ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB na maaari pang mag-operate ang mga tradisyunal na jeepney kahit na lumampas ang deadline kaya lamang dapat na lumahok sa mga transport cooperative para maiwasan ang ‘on-street competition’ sa panig ng mga driver at operator.


Noong Hunyo 30, 2023 pa ang orihinal na deadline para sa phaseout, dahil sa kabi-kabilang protesta ng mga transport group ay pinalawig pa ito ng pamahalaan hanggang Disyembre 31, 2023.


Kaya ngayong papalapit na ang deadline, tigil-pasada na naman, baka kapag hindi natinag ang pamahalaan sa tatlong araw na tigil-pasada ay magkasundo-sundo na ang magkakagalit na transport group para sa mas malawakan pang protesta. Malamang hindi ba?


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page