ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | February 2, 2024
Ang kilalang sexologist/sex researcher na si Doc Rica Cruz ay nabembang ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) dahil ang programa niyang Private Convos with Doc Rica ay ipinahinto nang umere nitong Martes, Enero 30, sa One News Cable Channel. Lumabag daw ito sa mga alituntunin ng MTRCB rating.
Sa desisyon ng MTRCB noong Enero 24, sinabi nito, "Ipinagbabawal ng MTRCB ang programang pantelebisyon na Private Convos with Doc Rica ng eksportasyon, pagkopya, distribusyon, benta, upa, eksibisyon, at/o pag-ere sa lahat ng platform ng media sa ilalim ng hurisdiksiyon ng MTRCB, epektibo sa oras na naging pinal ang desisyon.”
Sa Incident Report na isinumite ng Monitoring and Inspection Unit (MIU) kay MTRCB Chairperson noong 24 Agosto 2023, ng PRIVATE CONVOS WITH DOC RICA na inere sa One News Cable TV ng CIGNAL TV, idiniin na ang episode ay naglalaman ng mga usapin ng mga karanasan at mga seksuwal na pantasya, kasama na ang paggamit ng hindi angkop na wika.
Nakatanggap din ang Board ng mga reklamo laban sa programa, na karamihan ay mula sa mga magulang.
Isang Notice to Appear ang inilabas noong ika-28 ng Setyembre 2023, na nag-uutos sa mga respondents na magtestigo sa MTRCB Hearing and Adjudication Committee.
Nagpadala ang mga respondents ng kanilang kinatawan at inutusan sila ng MTRCB na mag-submit ng kanilang position papers.
Matapos ang masusing pagsusuri sa kaso at sa mga position papers, napatunayang nilabag ng programa ang probisyon ng batas, partikular sa Seksyon 3 (c) ng Presidential Decree No. 1986 (PD 1986) at Seksyon 2, Kabanata IV, kaugnay ng Seksyon 8, Kabanata V ng Implementing Rules and Regulations ng PD.
Mariing niresolba ng MTRCB na ang format ng programa ay naglalaman ng detalyadong tema sa sexual awakening ng mga bisita nito, na humantong sa tahasang pagkukuwento ng maselang karanasan, at gumamit pa ng mga wika na hindi angkop sa telebisyon.
Sinabi ni MTRCB Chairperson at Chief Executive Officer Lala Sotto, “Mariin nating kinokondena ang anumang malinaw na paglabag sa batas. Kaakibat ng malayang pagbrodkas ang responsibilidad. Hinihiling namin sa mga brodkaster at content creators na maging maingat at responsable sa kanilang mga proseso ng paglikha, na kumikilala sa impluwensya ng on-screen content.
“Ipinasya ng MTRCB na ang nilalaman ng episode na may mga tahasang termino, kasama ang magaspang na aksiyon at mga ekspresyon ng host at ng mga bisita niya, sa konteksto ng programa, 'ay nabibilang sa mga materyales na nakakatukso sa malaswang pananaw ng karaniwang tao.'"
Bukod dito, hindi sang-ayon ang Board sa pahayag ng mga respondents na ang programa, sa kabuuan, ay may “educational at social value.”
Sinabi rin ng Board ang kahalagahan ng pagiging angkop ng medium at timeslot para sa pagpapalabas, anuman ang nilalaman ng mga episodes, lalo na ang mga maselang usapan tungkol sa mga karanasang seksuwal at ang paggamit ng hindi angkop na wika.
Iginiit din ng Board ang hindi pagsunod ng mga respondents sa MTRCB Rating na labag sa Seksyon 2, Kabanata IV kaugnay ng Seksyon 8, Kabanata V ng PD 1986.
“Ang mga respondents ay nagkulang sa kanilang obligasyon sa pag-ere ng nabanggit na television program sa loob ng Child-Viewing Hours, kahit na idinidiin nila na ang subject episodes ay ginamit lamang bilang fillers sa hapon,” pahayag ng MTRCB.
“Hindi tumalima ang mga respondent sa mga gabay ng MTRCB Rating ng TV program kahit na alam nito na hindi ito angkop para sa kabataang manonood,” sabi pa.
Commentaires