top of page
Search
BULGAR

Malasakit Centers nasa 153 na, mas dumarami pa

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 11, 2023


Malaki ang epekto sa kabuhayan ng mga karaniwang Pilipino kapag may nagkakasakit sa pamilya. Masakit sa kalooban ng may sakit at mahal niya sa buhay ang sitwasyon, hindi pa alam kung saan kukuha ng pambayad sa ospital at pambili ng mga gamot. Apektado rin ang budget na sana’y para sa pagkain.


Nakalulungkot dahil kadalasa’y napipilitang mangutang malaki man ang interest makabayad lang sa pagpapaospital. Meron ding hindi na nagpapakonsulta sa takot na lalong mabaon sa utang kapag nagpagamot.


Dahil dito, naging inisyatiba natin ang pagkakaroon ng Malasakit Center program noong 2018, sa layuning ang mga kapwa nating Pilipino na mahihirap at walang mapagkukunan ng pampagamot ay mas madaling magkaroon ng access sa medical assistance program ng pamahalaan.


Ang Malasakit Center ay one-stop shop, kung saan ang mahihirap na pasyente ay mas madaling makakapag-apply para sa medical assistance mula sa Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation at Philippine Charity Sweepstakes Office.


Na-institutionalize ang programa sa ilalim ng Malasakit Centers Act of 2019, na ang inyong lingkod ang prinsipal na may-akda at nag-sponsor, para maibaba sa pinakamaliit na posibleng halaga ang babayaran sa ospital ng mga benepisyaryo, gamit ang pondo ng pamahalaan.


Ngayon, makalipas ang halos limang taon nang masimulan ang programa, mayroon na tayong 153 Malasakit Centers nationwide. Araw-araw, napakaraming Pilipino sa iba’t ibang lugar sa ating bansa ang patuloy na nakatatanggap ng tulong mula sa mga Malasakit Center. Inaasahan natin na mas marami pa itong matutulungan sa buong Pilipinas.


Ayon sa DOH, mula nang itatag noong 2018 ang Malasakit Center, naging madali na para sa mahihirap na Pilipino ang lumapit sa pamahalaan para humingi ng tulong-medikal. Tinukoy sa ulat na ang Medical Assistance for Indigent Patients Program ng DOH, na maaari ring ma-avail sa kahit saan na Malasakit Center ay nakapagbigay ng tulong sa 7,481,333 pasyenteng may kabuuang budget na PhP50.8 bilyon. Nitong nakaraang 2022 lang, mahigit 1.4 milyong pasyenteng benepisyaryo ang nakatanggap ng PhP14.6 bilyon na tulong mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng Malasakit Centers program.


Ayon pa sa DOH, sisikapin nilang mas mapalawak ang tulong na ipinagkaloob ng Malasakit Centers. Bukod dito, nag-file tayo ng mga panukalang batas para magkaroon ng Free Medical Check Up program ang PhilHealth at mai-expand ang Free Dialysis benefit package. Kasunod nito, siniguro natin na ang dagdag-subsidiya sa budget ng PhilHealth ay magagamit para sa free medical check-up at free dialysis sa 2023. Malaking bagay ito sa mga pasyente para hindi na mababawasan ang kanilang budget para sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.


***


Kasabay ng ating pakikiisa noong January 9 sa Minasa Festival sa Bustos, Bulacan ay sinaksihan natin ang groundbreaking ng itatayong New Bustos Hospital sa kanilang lugar. Bilang Chair of the Senate Committee on Health at Vice Chair of the Senate Committee on Finance, ipinaglaban natin ang naturang ospital at iba pa upang mailapit sa tao ang serbisyong-medikal na kailangan nila.


Ininspeksyon din natin ang itatayong Multi-Purpose Facility (Sports Complex). Bilang Chair of the Senate Committee on Sports, ipinaglaban natin na magkaroon ng sapat na pondo para sa naturang pasilidad dahil nais nating mapalakas pa ang grassroots sports programs sa ating bansa at mahikayat ang ating mga kababayan, lalo na ang kabataan.


Masaya rin nating ibinabalita na noong January 9 ay nagkaroon na ng groundbreaking ceremony ng itatayong Super Health Center sa Rizal, Nueva Ecija. Nito pong January 10 ay nag-groundbreaking na rin ang Sara Super Health Center na itatayo naman sa Iloilo.


Samantala, noong January 7 naman ay nagpadala tayo ng tulong sa siyudad ng Ozamis at Oroquieta; at mga bayan ng Jimenez, Lopez Jaena, Tudela, Aloran, Clarin, Panaon, Sapang Dalaga, Calamba, Don Victoriano, at Baliangao sa Misamis Occidental.


Naniniwala tayo na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page