top of page
Search
BULGAR

Malasakit Center para sa mga takot magpagamot

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 2, 2023 Sa ating pag-iikot sa buong bansa sa tuwing naghahatid tayo ng serbisyo sa mga komunidad, lagi nating ipinapaalala sa ating mga kababayan — lalo na ang mga mahihirap — na unahin ang kanilang kalusugan.


Dapat, huwag silang matakot magpagamot dahil kung kailangan nila ng tulong pangmedikal ay nandiyan ang Malasakit Center sa kanilang lugar na handang tumulong sa kanila. Para sa taumbayan iyan at kahit sino ay maaaring lumapit dito. Basta Pilipino ka, qualified ka sa Malasakit Center.


Nasa iisang bubong na sa loob ng mga piling pampublikong ospital ang Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office, kaya hindi na mahihirapan sa pagpapalipat-lipat at pagpila ang mga kamag-anak ng pasyente sa mga ahensya ng pamahalaan para humingi ng tulong. Layunin ng Malasakit Center na ilapit sa tao ang medical assistance programs ng gobyerno para ma-cover ang mga bayaring pampagamot ng mga mahihirap na pasyente.


Tayo ang principal author at sponsor ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na pinirmahan noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang pagtupad sa ating pangarap na makalikha ng healthcare support system para sa mga Pilipino, lalo na ang mga hopeless, helpless at walang ibang malalapitan maliban sa pamahalaan.


Bilang chair ng Senate Committee on Health, isinusulong natin ang patuloy na operasyon ng Malasakit Center dahil nakakatulong talaga ito sa mga mahihirap na mapangalagaan ang kanilang kalusugan.


Sa kasalukuyan ay mayroon na tayong 158 Malasakit Center sa buong bansa. Ayon sa datos ng DOH, mahigit 7 milyong Pilipino na ang natulungan ng programang ito, at patuloy pang nadaragdagan ang bilang na iyan araw-araw.


Bilang halimbawa, ang Malasakit Center na nasa Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao City ay nakatulong na sa mahigit 212,000 pasyente mula 2019 hanggang sa kalagitnaan ng 2023. Buong Mindanao rin ang puwedeng lumapit sa Malasakit Center sa SPMC.


Batay sa datos ng Health Facility and Patient Support Team ng DOH, lumaki rin ang naseserbisyuhan ng SPMC sa mga nakalipas na taon.


Sa Davao Region, mayroon tayong raw data na nagpapakitang mahigit 500,000 pasyente na po ang natulungan ng mga Malasakit Center sa buong rehiyon. Maging ako man ay humanga sa napakalaking dagdag na bilang ng mga pasyenteng natulungan ng Malasakit Centers sa mga nakalipas na taon.


Patunay ito na importanteng pagandahin ang paghahatid ng serbisyo medikal ng pamahalaan bilang tugon sa nagbabagong pangkalusugang pangangailangan ng ating mga kababayan.


Patuloy naman ang paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan, partikular ang mga tinamaan ng kalamidad. At dahil bisyo ko na ang magserbisyo, bumiyahe tayo nitong July 31 sa Cagayan at nagbigay-tulong sa 1,000 biktima ng Bagyong Egay sa bayan ng Santa Ana.


Kasama natin sa ating pagbisita si Governor Manual Mamba, Santa Ana Vice Mayor Catherin Ladrido, Sta. Teresita Mayor Rodrigo de Gracia, Gonzaga Mayor Marylin Pentecostes, Allacapan Mayor Harry Florida, at iba pa.


Pinuntahan din natin ang mga binagyo sa Sanchez Mira, Cagayan upang maalalayan ang 1,500 residenteng naapektuhan, kasama si Mayor Abe Bagasin at ang lokal na pamahalaan.


Nasa Davao City naman tayo noong July 29 para saksihan ang ribbon cutting at turnover ceremony ng multi-purpose building-gym-type sa Barangay Lasang. Pinangunahan natin ang pamamahagi ng ayuda para sa 1,531 residente na naging biktima ng pagbaha.


Sinaksihan din natin ang turn-over ng isang ambulansya at dalawang multi-purpose vehicles. Sinilip natin ang ginagawang kalsada mula Lasang Proper hanggang Purok Fatima.


Pagkatapos, pinaunlakan natin ang ribbon cutting ng ginagawang kalsada na may drainage canal sa Bgy. Bunawan, gayundin ang itinatayong multi-purpose building doon.


Pinangunahan natin ang pagkakaloob ng tulong sa 2,868 residente ng nasabing barangay na binaha. Sinaksihan natin ang turn-over ng apat na multi-purpose vehicles, at binisita ang ginagawang drainage system sa Daniel M. Perez Central Elementary School.


Tuluy-tuloy naman ang aking opisina sa pag-alalay sa ating mga kababayang umaahon mula sa iba’t ibang krisis. Sa Davao Oriental, nagbigay tayo ng dagdag na suporta sa 69 residente ng Cateel at isa sa Boston na naging biktima ng nakaraang sunog, gayundin ang mga naapektuhan ng iba’t ibang kalamidad noon tulad ng 27 residente ng Mati City, at tatlo sa Tarragona. Isinulong naman natin na mabigyan sila ng National Housing Authority ng ayuda na pambili ng housing materials tulad ng pako, yero at iba pa upang maisaayos muli ang kanilang mga tirahan.


Mayroon ding 66 indigent na residente mula sa Balagtas, Bulacan ang natulungan natin kasama ang opisina ni Vice Mayor Ariel Valderrama.


Patuloy kong isusulong at susuportahan ang mga programa na para sa mga mahihirap tulad ng mga nabanggit ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang SONA na prayoridad ng administrasyon ngayon. Tulungan natin ang ating gobyerno na maiahon ang ating mga kababayan mula sa hirap para walang Pilipinong magutom.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page