top of page
Search
BULGAR

Malasakit at Super Health Centers para sa patuloy na pangangalaga sa kalusugan ng mga Pinoy

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 29, 2023


Mabigat at mahirap ang ating naging laban nang pumutok ang pandemya tatlong taon na ang nakalilipas dahil sa bagong sakit na hindi natin inaasahang mararanasan natin sa ating buong buhay. Buong giting na nakipaglaban at nagsakripisyo ang ating mga health workers para mailigtas ang buhay ng ating mga kababayan. Nalampasan natin ang napakabigat na pagsubok sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagbabayanihan, at ngayon ay unti-unti nang nakababangon ang ating ekonomiya.

Pero ang hamon na dala ng COVID-19 ay hindi pa rin tuluyang nawawala. Palagi pa ring nar’yan ang banta ng virus. Kaya naman bilang inyong Chair ng Senate Committee on Health, muli akong umaapela, lalo na sa mga kuwalipikadong hindi pa bakunado at wala pang boosters na samantalahin niyo ang pagkakataon at huwag nang magpatumpik-tumpik, lalo pa at bukas ngayon sa general population ang pagbabakuna. Mas protektado ‘pag bakunado.

Huwag din tayong maging masyadong kampante dahil hanggang ngayon ay may lumalabas pa ring bagong variant ng virus. Sundin pa rin natin ang mga ipinatutupad na health protocols, lalo na ang pagsusuot ng face mask sa mga piling lugar. Maging mapagmalasakit tayo sa ating kapwa, na kung nakararamdam tayo ng sintomas ay agad magpakonsulta at huwag munang makikisalamuha sa ibang tao hangga’t maaari.


Ipagpatuloy natin ang disiplinang ating nakasanayan simula nang lumaganap ang pandemya.

Sa parte ko, mula’t sapul naman ay napakaimportante para sa akin ng kalusugan ng bawat Pilipino.


At dahil nasaksihan ko sa pagputok ng pandemya na kinapos tayo sa mga ospital at pasilidad—na ang ibang pasyenteng nagpapagamot ay nagsisiksikan sa kama, sa mga pasilyo at sa parking area na nilalapatan ng lunas—naging isa sa mga prayoridad ko ang mas mapalakas ang ating healthcare system dahil hindi natin tiyak kung kailan may susulpot muling bagong sakit.

Napakaimportante na maihatid sa bawat sulok ng Pilipinas ang serbisyong medikal na kailangan ng komunidad. Ito ang dahilan kaya nar’yan ang Malasakit Center program para matulungan ang ating mga kababayang walang kakayahang magbayad ng kanilang hospital bills, nang hindi na nila kailangang pumila at magpalipat-lipat sa mga opisina ng pamahalaan dahil nasa iisang bubong na lang ang mga ahensya na may medical assistance programs na makakatulong sa kanila.

Itinataguyod din natin ngayon ang pagpapatayo ng mga Super Health Centers—sa pangunguna ng Department of Health (DOH) at suporta ng mga kapwa ko mambabatas, pati mga lokal na pamahalaan—para hindi na kailangang bumiyahe sa malayo ng mga pasyente. Ilapit natin sa tao ang serbisyong pangkalusugan.

Ang Super Health Centers ay nagkakaloob ng iba’t ibang serbisyong medikal gaya ng database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: X-Ray, ultrasound), pharmacy, at ambulatory surgical unit. Nagkakaloob din ito ng eye, ear, nose, and throat (EENT) service; oncology centers; physical therapy and rehabilitation center; at telemedicine, kung saan puwedeng magpakonsulta ang pasyente sa pamamagitan ng telepono.

Masigasig nating sinusubaybayan ang dalawang programang ito para matiyak na naipagpapatuloy ang pangunahing layunin kung bakit natin ito pinangarap na maisakatuparan. Sa ngayon ay mayroon nang 157 Malasakit Centers sa buong bansa at patuloy na nakapaghahatid ng tulong sa milyun-milyong Pilipino. Marami na ring Super Health Centers ang naitayo at kasalukuyang itinatayo sa buong bansa kung saan 307 ang napondohan sa 2022, at 322 naman ang napondohan ngayong taon.

Samantala, hindi rin tayo tumitigil sa direktang paghahatid ng serbisyo at tulong sa iba’t ibang komunidad sa abot ng ating makakaya.

Bumisita tayo sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte kahapon, Abril 28, at nakiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Bgy. Tambo. Dumalo rin tayo sa ribbon cutting ceremony para sa itinayong bagong barangay hall, na sinuportahan kong mapondohan bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng ayuda para sa 1,100 mahihirap na residente mula sa tatlong barangay.


Sinaksihan din natin ang turnover ceremony ng bagong farm to market road sa Bgy. Tambo pa rin, at isa rin sa mga proyektong ating natulungan na mapondohan. Nag-inspeksyon din tayo sa road concreting project, na malaki ang maitutulong sa mga residente dahil magkokonekta ito ng dalawang purok doon para mas maging komportable ang kanilang paglalakbay.

Nasa Bohol naman tayo noong Huwebes, Abril 27, at sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong Ubay Super Health Center at nag-inspeksyon sa itinatayo nang Talibon Super Health Center.


Bumisita rin tayo sa Don Emilio Del Valle Memorial Hospital at inispeksyon ang operasyon ng Malasakit Center doon. May dala-dala rin tayong tulong para sa 362 na pasyente at 543 hospital frontliners. May hiwalay na ayuda rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pasyente at 72 na kuwalipikadong hospital personnel. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng tulong para sa 1,000 mahihirap na residente ng Ubay; at 1,000 rin sa Talibon.

Nakarating naman ang aking relief team sa iba’t ibang lugar para alalayan ang mga naging biktima ng sunog gaya ng 309 sa Bgy. Pinagbuhatan, Pasig City; 23 sa Puerto Princesa City; 23 sa Atimonan, Quezon; anim sa Iligan City, at tig-isa sa Moncada, Tarlac at Mabalacat, Pampanga.


Hindi rin natin kinalimutang pagaanin ang dalahin ng 500 mahihirap na residente sa Gitagum, Misamis Oriental; 437 sa Victoria, Tarlac; 500 sa Batangas City at 707 sa Malvar, Batangas; 320 sa Malolos City, Bulacan; at 186 sa Santo Tomas, Pampanga.

Patuloy kong ginagampanan ang aking tungkulin sa Senado at kasabay nito ay direktang nakapaghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan. Kung mahalaga ang aking trabaho bilang mambabatas, naniniwala ako na importante rin ang aking tungkulin na magbigay ng konkretong tulong sa mga nangangailangan nito.

Bilang inyong lingkod-bayan, nanaisin kong makasalamuha ang mga kapwa ko Pilipino para makatulong sa abot ng aking makakaya, makapaglunsad ng mga proyektong makakapagpaunlad ng kanilang komunidad, marinig ang kanilang hinaing, masolusyunan ang mga problema, at makapag-iwan ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page