top of page
Search
BULGAR

Malasakit at serbisyo sa panahon ng sakuna

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Oct. 26, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Nakikiramay tayo sa mga pamilya ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Kristine. Sa mga nasaktan, nasugatan, at sa libu-libong nawalan ng mga bahay at mga gamit, mahirap man ang sitwasyon, kasama ninyo ako sa pasasalamat sa Diyos na pinangalagaan ang ating buhay sa harap ng ganitong pagsubok. Patuloy tayong magtulungan tungo sa pagbangon.


Nananawagan tayo sa ating national government para sa mas mabilis na paghahatid ng tulong sa mga nasalanta. Sa mga kababayan naman natin na nasa mga ligtas na lugar, subukan nating makatulong kahit sa maliit na paraan, subalit tiyakin din natin ang ating kaligtasan.


Bilang inyong Mr. Malasakit na ang tanging bisyo ay magserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya, nakatutok tayo sa anumang tulong na maaari nating maibigay sa mga biktima at mga komunidad.


Bukod sa agarang tulong at bilang mambabatas, patuloy nating isinusulong na palakasin pa ang ating disaster resilience measures sa ating bansa na kamakailan ay tinukoy ng Asian Development Bank bilang most disaster-prone sa Southeast Asia. Mula 2014 hanggang 2023, umabot na sa halos 43 milyong Pilipino ang naapektuhan ng mga kalamidad.


Isa ito sa mga dahilan kaya patuloy kong isinusulong ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience sa pamamagitan ng Senate Bill No. 188. Layunin ng panukalang ito na magkaroon ng isang departamento na pamumunuan ng isang cabinet-level secretary na magsisigurong mabilis at organisado ang pagtugon sa mga kalamidad. Hindi na sapat kung palaging task force o coordinating council lamang. Dapat mayroon talagang nakatutok na timon sa pamamagitan ng isang departamento na may sapat na mandato at kakayahan upang maghanda, rumesponde, at madaliang maibalik ang mga nasalanta sa normal na buhay.


Panahon na rin na magkaroon sa bawat lokalidad ng ligtas at kumpleto sa supply na evacuation centers. Umaasa tayo na maisasabatas na ang Senate Bill No. 2451 o ang Ligtas Pinoy o Mandatory Evacuation Centers Act, na tayo ang principal author at co-sponsor. Bukod sa kanilang kaligtasan at kalusugan, kailangan ding mapangalagaan ang dignidad ng ating evacuees.


Anuman ang lagay ng panahon, hindi tayo tumitigil sa paghahatid ng serbisyo. Dumalo tayo noong October 23 sa ginanap na National Congress ng Liga ng mga Barangay Cluster 6 sa Pasay City. Panauhing tagapagsalita naman tayo noong October 24, sa ginanap na Barangay Councilors League of the Philippines General Assembly na ginanap sa Maynila.


Nagpapasalamat tayo sa mga opisyal ng mga barangay sa kanilang serbisyo at patuloy nating isinusulong ang mga panukala na mangangalaga sa kanilang kapakanan at magpapalakas pa ng kanilang kakayahang maglingkod. Ilan dito sa mga inihain natin sa Senado ay ang Senate Bill No. 197, o ang Magna Carta for Barangays; Senate Bill No. 2802, na naglalayong magbigay ng six-year term sa barangay at SK officials kung maisabatas; at ang Senate Bill No. 427, na naglalayong mabigyan ng karampatang suporta at benepisyo ang barangay health workers kung maipasa.


Kahapon naman, October 25, nagbigay inspirasyon tayo sa pamamagitan ng video call sa Vice Mayors League of the Philippines (VMLP) Region III-3rd Regional Assembly na idinaos sa Tarlac City sa paanyaya ni Mayor Mike Galang.



Tuluy-tuloy din ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong sa ating mga kababayang nangangailangan tulad ng mga biktima ng sunog sa Surigao del Sur kabilang ang 82 sa Tandag City, at 36 sa Bislig City. Nakapagpaabot din tayo ng agarang tulong sa 250 nating kababayang nabiktima ng bagyo sa Tungawan, Zamboanga Sibugay.


Sa Lupon, Davao Oriental ay natulungan natin ang 1,000 kapos ang kita na nabigyan din ng gobyerno ng tulong pinansyal. Bukod sa kanila, nasuportahan natin ang 1,500 mahihirap na residente sa lugar na sa pamamagitan natin ay napagkalooban ng tulong pinansyal katuwang si Mayor Erlinda Lim.


Sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE, natulungan natin ang mga nawalan ng hanapbuhay na nabigyan ng pansamantalang trabaho. Sa Southern Leyte ay naging benepisyaryo ang 213 sa San Juan katuwang si Mayor Tado Saludo, at 149 naman sa Liloan, San Francisco, Pintuyan at San Ricardo kaagapay si VG Melay Mercado. Dagdag dito ang 139 sa Gingoog City, Misamis Oriental katuwang sina Mayor Erick Cañosa at BM Robert de Lara.


Minsan lang tayong daraan sa mundong ito kaya kung anumang kabutihan at tulong ang puwede nating ibigay sa kapwa, gawin na natin ngayon. Bilang inyong lingkod, patuloy akong magseserbisyo sa abot ng ating makakaya at kapasidad. Patuloy tayong magtulungan at magmalasakit sa isa’t isa dahil ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page