ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 3, 2024
Kumusta po ang inyong selebrasyon ng pagsalubong sa 2024?
Umaasa ako na naging masaya at makulay ang mga huling araw ng nakaraang taon para sa inyo kapiling ang inyong mga mahal sa buhay, lalo na ang mga umuwi pa ng probinsya. Nakapag-relax sana kayo, nakakuwentuhan ang mga kaibigan at iba pang kamag-anak, at napuntahan ang lugar na gusto ninyong bisitahin.
Taglay sana ninyo ang panibagong lakas at enerhiya sa pagsisimula ng bagong taon para tuparin at makamit ang mga nai-set ninyong goals sa iba’t ibang aspeto ng inyong buhay, lalo na ang mga nasimulan na ninyo noong 2023.
Umaasa rin ako na sana ay maayos ang inyong kalusugan — pisikal at mental. Bilang chair ng Senate Committee on Health, ako naman, parati kong binabanggit na ang kalusugan ng bawat Pilipino ay napakaimportante sa akin.
Kaya ang wish ko, happy and healthy New Year sa ating lahat — dahil ang katumbas ng kalusugan ay buhay ng bawat Pilipino.Pangalagaan natin ang ating kalusugan.
Sana ay walang nasaktan sa atin sa nagdaang pagdiriwang at sinunod ninyo ang payo na huwag na magpaputok at maging maingat sa pagsalubong sa Bagong Taon para kumpleto pa rin ang ating mga daliri, walang napinsala sa katawan at walang dapat pagsisihan.
Ang pinakamagandang paraan para magampanan natin ang ating tungkulin — sa pamilya, sa kapwa, sa lipunan at sa bansa — ay ang pananatili natin na malusog.
Manatili tayong disiplinado at sumunod sa health protocols dahil naririyan lagi ang banta ng COVID-19, flu, at iba pang respiratory illnesses. Patuloy akong nananawagan na voluntarily na magsuot pa rin tayo ng face mask hindi lang para sa ating pansariling kaligtasan kundi maging ng ating kapamilya at kapwa Pilipino. Kung nagawa natin ito sa loob ng mahigit dalawang taon, magagawa pa rin natin ito ngayon lalo na at malaki ang natutunan natin kung paano mag-iingat noong panahon ng pandemya.
Sa parte ko, lagi kong pangangalagaan ang kabutihan, karapatan at kapakanan ng bawat Pilipino, lalung-lalo na ang mga mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan sa abot ng aking makakaya at kapasidad.Noong December 31 ay personal na binisita natin ang mga patient watchers ng Balay Pahulayan Temporary Shelter at ilang mga kababayan na nasa labas ng emergency room para mamahagi ng pang-Media Noche habang sila ay nasa Southern Philippines Medical Center sa Davao City.
Noon pa man ay nakasanayan ko nang bisitahin sila tuwing sasapit ang Kapaskuhan kasama ang mga kababayan nating nangangailangan. Namahagi tayo ng pagkain, food packs at iba pang tulong tulad ng pamasahe sa mga nagbabantay sa mga pasyente sa ospital. Maging ang security guards at vendors na ating nadaanan ay binigyan din natin ng tulong. Sa simpleng paraan ay napasaya natin at nadamayan sila sa panahon ng kanilang pangangailangan.
Sa kabila ng mga pagsubok na ating naranasan noong nakaraang taon, umaasa tayo na sa pagpasok ng 2024 ay magkakaroon tayo ng mas maraming pagkakataon na may magbukas ng bago at magandang kabanata sa ating buhay. Nawa’y magdala ng mas maraming kaligayahan at kasaganaan ang bagong taon para sa bawat isa sa atin.Nagpapasalamat ako sa inyong patuloy na suporta at pagtitiwala. Patuloy ang aking pagseserbisyo sa lahat ng Pilipino sa abot ng aking makakaya dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Maligayang Bagong Taon sa ating lahat, at nawa'y maging mas malusog at mas masaya ang ating mga pamilya ngayong 2024!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments