top of page
Search
BULGAR

Malalaswang palabas sa PUVs, tanggal prangkisa at 1 taong kulong

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 13, 2023


Ilan sa mga dahilan kaya tinatangkilik ng ating mga pasahero ang mga bumabiyaheng bus ay dahil sa iba’t ibang pakulo na kanilang ginagawa, lalo na ‘yung mga nanggagaling sa probinsya na bumabiyahe ng 12 oras at higit pa.


Pinakamabilis mapuno ay ang mga bus na maganda ang aircon, maayos ang telebisyon, ang iba ay may upuan pa na kung tawagin ay lazyboy na puwedeng ihiga tulad ng business class na eroplano at ang iba ay mayroon namang comfort room.


Lahat ay ginagawa ng mga may-ari ng bus company upang mahikayat ang mga pasahero na tangkilikin ang kanilang serbisyo, ngunit kapag nasa gitna na ng biyahe ay may ilang pasaway na driver o kundoktor ang gumagawa ng kalokohan.


Matagal na kasi tayong nakakatanggap ng reklamo hinggil sa mga provincial buses na nasa gitna ng biyahe ay nagsisingit ng malalaswang palabas, lalo na kung sa kalagitnaan ng hating gabi at mangilan-ngilan na lamang ang gising na pasahero.


Sabagay, hindi naman talaga pornographic materials ang isinasalang sa kanilang telebisyon, ngunit karaniwan ay Rated R na hindi talaga pinapayagang mapanood ng mga menor-de-edad at hindi malayong may mga batang pasahero na makapanood nito.


Hindi naman lahat ng provincial buses ay gumagawa nito, lalo na ‘yung mga kilalang bus company na maayos talaga ang pamamalakad, ngunit may ilang fly-by-night na pumapasada na para lamang makuha ang atensyon ng mga pasahero ay nagsisingit ng malalaswang panoorin.


Marahil ay nakarating na rin ang sumbong na ito sa pamunuan ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) dahil naglabas na sila anunsyo na pinaaalalahanan ang mga driver, kundoktor at operator na bawal magsalang ng malalaswang palabas.


Tanging television shows at mga pelikula lamang na may ‘G’ at ‘PG’ ratings ang puwedeng ipalabas sa public utility vehicles (PUVs), kabilang d’yan ang mga provincial buses na karaniwang gumagamit ng telebisyon sa kanilang sasakyan.


Naglabas ng Memorandum Circular No. 09-2011 ang MTRCB kung saan nakapaloob ang limitasyon at mga alituntunin sa public exhibition ng mga pelikula, lalo na sa common carriers at ba pang klase ng pampublikong lugar.


Ang sinumang mahuhuli na lalabag ay maaari umanong makulong ng tatlong buwan hanggang isang taon at pagmumultahin ng P2,000 hanggang P5,000 at higit sa lahat ay babawiin umano ang kanilang prangkisa ayon mismo sa MTRCB.


Nakasaad sa ilalim ng naturang circular na, “All common carriers and other public places that openly and publicly exhibit motion pictures shall be treated as movie theaters for the purposes of regulation by the Board”.


Nilinaw pa na, “Owing to their service character and accessibility to the public regardless of age, common carriers and other public places can only publicly exhibit such motion pictures classified by the Board as for General Patronage (G) or Parental Guidance (PG).”


Detalyado na ang mga palabas na may G ratings ay akma para sa mga bata habang ang PG-rated contents ay maaaring may nilalamang adult materials na pinapayagang mapanood ng mga bata basta’t may kasama o gabay ng nakatatanda tulad ng kanilang mga magulang.


Matatandaang, noong 2011 ay pumasok ang MTRCB sa Memoranda of Agreement sa Land Transport Franchising Regulatory Board (LTFRB), at sa Maritime Industry Authority na magtulungan upang protektahan ang publiko mula sa anumang public exhibition ng TV programs at mga sine.


Problema rin ng MTRCB ang ginagawang palusot ng ilang drive-in hotel at mga motel sa bansa dahil may ilang nagpapalabas ng malalaswang panoorin sa kani-kanilang silid para lang makaengganyo ng mga customer na ginagaya ng ilang provincial buses—nadadamay tuloy ‘yung mga disenteng hotel/motel.


Kaya sa anunsyong ito ng MTRCB na dapat ang panuntunan ay batay sa umiiral na cultural values ng mga Pilipino ay isang malaking hakbangin at umaasa tayo magbubunga ng mabuti ang pagsisikap ng MTRCB.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page