ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 22, 2023
Napakaraming sinisisi, napakaraming itinuturong dahilan sa pagsisikip ng daloy ng trapiko ngunit kung iisa-isahin nating himayin ang mga dahilan ay hindi magkakasya ang espasyong ito para matukoy ang tunay na sanhi kung bakit nangyayari ang lahat.
Unang problema ay ang kondisyon ng mga kalsada mismo na hindi maayos ang pagkakagawa o kaya ay ang walang humpay na pagkukumpuni sa mga sirang bahagi na nagdudulot ng pagsisikip at pagbagal sa daloy ng trapiko.
Maraming lansangan din ang nakahambalang ang mga maliliit na negosyo tulad ng tindahan, vulcanizing shop at maliliit na talyer na ginagawang parking area ang ilang bahagi ng kalsada at doon inaayos ang mga sasakyan ng nagpapagawa.
Karamihan sa ating mga kababayan ay mayroong sasakyan na higit pa sa isa, ang wala namang sariling garahe at sinasakop nila ang kalahating linya ng mga kalye sa kanilang lugar at iyon ang ginagawa nilang paradahan.
Hindi tumitigil ang ating pamahalaan kung paano lilinisin ang mga kalye para lumuwag at bumilis ang daloy ng trapiko ngunit marami pa rin ang hirap talagang madaanan dahil pabalik-balik lang ang mga pasaway.
Ilan sa mga hindi maayos na madaanan ay ang bahagi ng Baclaran at Divisoria dahil sa maraming lansangan ang paulit-ulit na nagsasagawa ng clearing operations ngunit sadyang hanggang sa kasalukuyan ay problema pa rin ito dahil sa rami ng nais na maghanapbuhay.
Ang kahabaan ng EDSA na hindi natatapos ang mga naiisip na paraan para magamit ng higit pa kaysa sa ating inaasahan kaya humantong na tayo sa paglalagay ng carousel lane para hindi na nagkakarera ang mga pampasaherong bus.
Ngunit, nakakagulat na mahigit umano sa 300 motorista ang naisyuhan ng traffic violation ticket sa loob lamang ng 10 araw dahil sa ilegal na paggamit sa bus carousel lane sa EDSA, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa pahayag ng ahensya, isa umano sa sakit nila ng ulo ay ang mga pasaway na nagmamaneho ng motorsiklo dahil kahit alam nilang bawal at delikado ay sumisige pa rin, kaya tuloy nadadamay ang ibang matitino nating mga ‘kagulong’.
Sa inilabas na datos ng MMDA, mula Hunyo 5 hanggang Hunyo 15 ng taong kasalukuyan ay mahigit sa 300 motorista na umano ang kanilang nahuhuli na humaharurot sa kahabaan ng carousel lane at naisyuhan ng violation ticket na may multang P1,000.
Ayon sa naturang ahensya, bukod umano sa pampasaherong bus ay nakalaan ang EDSA bus carousel lane para sa mga sasakyan ng gobyerno na tutugon sa mga emergency situation at kumpleto ito ng CCTV camera sa buong kahabaan para ma-monitor ang sitwasyon at madaling masakote ang mga lumalabag.
Isa pa sa nagpapabagal ng pag-arangkada ng mga sasakyan ay patuloy na pagdami ng mga namamalimos at nag-aalok ng kung anu-anong klase ng paglilinis kapalit lang ng barya.
Dito medyo hati ang opinyon ng mga tao kung dapat bang magbigay o hindi sa mga namamalimos lalo pa kung papalapit na ang Pasko dahil ang katuwiran ng iba ay mag-share daw ng blessings.
Subalit, naninindigan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na dapat ay hindi umano binibigyan ang mga batang nagsisiakyat sa mga jeepney dahil labag ito sa batas.
Pero alam n’yo ba na ang umiiral na batas hinggil dito ay ang Presidential Decree No. 1563 o ang Establishing an integrated system for the control and eradication of mendicancy, providing penalties, appropriating funds therefore, and for other purposes.
Mas kilala ito sa tawag na anti-mendicancy law na may piyansang P20.00 lamang. Tama, beinte pesos lang ang piyansa kapag lumabag ka at naaresto sa kasong panlilimos.
Ako mismo, guilty ako sa problemang ito dahil madalas ay nagbibigay talaga ako sa namamalimos at nawawala sa isip ko na may umiiral na batas dahil nangingibabaw ang aking awa.
Ngayon sabihin n’yo sa akin, kung paano tayo magsisimula na mapasunod ang mga pasaway na hindi takot sa multa at mga namamalimos na hindi takot sa piyansa -- subukan natin!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments