ni Lolet Abania | February 16, 2022
Sinimulan ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Miyerkules ang pagbabaklas ng mga campaign posters ng mga kandidato na napakalaki at lagpas sa itinakdang sukat o nakapaskil sa mga maling lugar.
Katuwang ng ahensiya ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ikinasang “Operation Baklas” sa buong National Capital Region (NCR).
Sa isang livestreaming na ipinalabas ng Comelec’s official Facebook page, pinagbabaklas ng mga awtoridad ang mga campaign poster ng dalawang magka-tandem na mga kandidato sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo dahil sa malalaking tarpaulin na nakapaskil na nagpo-promote sa mga ito.
Aabot lamang sa 2 by 3 feet ang pinakamalaking campaign poster na pinapayagan ng Comelec, kahit pa nakapaskil ito sa pribadong pag-aari katulad ng mga tirahan.
Sa isang press conference, ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, “we’re just making steps to ensure that our laws are complied with.”
Itinago naman sa MMDA ang mga binaklas na posters habang hindi ito ibabalik sa mga kandidato dahil maaaring gamitin itong ebidensiya sa pagsasampa ng election offense.
Comments