ni Lolet Abania | November 28, 2022
Nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na iobserba ang mga itinakdang regulasyon at batas hinggil sa paggamit ng mga firecrackers at pyrotechnics lalo na’t nalalapit na ang Kapaskuhan.
Sa isang public briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ang paggamit ng mga malalaking at malalakas na mga paputok ay nananatiling ipinagbabawal.
“’Yung pagdating po sa weight, dapat po may mga corresponding weights po tayong sinusunod diyan. ‘Yung mga imported na firecrackers and pyrotechnic devices, ‘yung malalakas po na mga paputok, ‘yan naman po hanggang ngayon ay ipinagbabawal,” ani Fajardo.
Base sa impormasyon na inilahad ni Fajardo, ang mga paputok o firecrackers na may mga katulad na sumusunod na katangian ay ipinagbabawal:
• overweight (hindi hihigit sa 0.2 gram o hindi hihigit sa one third ng teaspoon)
• oversized gaya ng super lolo, giant whistle bomb, at iba pa
• fuse na hindi dapat masunog ng wala pang tatlong segundo subalit hindi hihigit sa anim na segundo
• imported finished products
• mixture ng phosphorus o sulfur na mayroong chlorate
Paalala rin ni Fajardo, na bawat komunidad ay dapat na mag-designate ng isang firecracker display zone at community display area kung saan ang mga naturang items ay maaaring magamit at i-display.
Kabilang sa mga uri ng firecrackers na maaaring gamitin sa mga fireworks display areas ay baby rocket; bawang; el diablo; Judas’ belt; paper caps; pulling of strings; sky rocket (kwitis); at small “triangulo”.
Samantala, ayon sa PNP, ang lahat ng pyrotechnic devices o “pailaw” ay maaaring gamitin sa labas ng designated community areas o sa bahay maliban sa Type 4 pyrotechnic devices.
Kabilang sa mga pyrotechnic devices na maaaring gamitin sa mga residential areas ay butterfly; fountain; jumbo regular; luces; mabuhay; roman candle; sparklers; trompillo; at whistle devices.
Ayon kay Fajardo, “there is no ban on firecrackers and pyrotechnics imposed on manufacturers and retailers. However, sellers should display their products in designated areas.”
Base sa Republic Act No. 7183, ang mga lalabag ay mahaharap sa multa na aabot sa P30,000 o pagkakulong ng hanggang isang taon, o parehong ipapataw alinsunod diskresyon ng korte. Ang kanilang license at business permit ay ikakansela rin habang ang kanilang mga stocks ay kukumpiskahin.
Comments