ni Jasmin Joy Evangelista | February 18, 2022
Inilarawan ni Presidential candidate Ernesto Abella, na dating spokesperson ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung gaano kahirap ang pamumuhay ng ilang Pilipino sa Mindanao.
Ito ay inihayag ni Abella sa ginanap na Pandesal forum sa Kamuning Bakery Cafe nitong Huwebes, Feb. 17.
“Kung titignan mo yung mapa ng poverty index ng Pilipinas, yung nasa Manila green pa; yung nasa Luzon, green; yung Visayas, green. Pagdating mo sa Mindanao, pula,” aniya.
Inilarawan pa niya ang lebel ng kahirapan sa bahagi ng southern islands.
“Kung akala mo mahirap ka na dahil kumakain ka ng pagpag, hindi pa yan ang tunay na kahirapan. Ang tunay na mahihirap nandun sa Mindanao, grabe,” ani Abella.
Ang pagpag ay termino sa mga tira-tirang pagkain mula sa mga restaurant—kadalasan mula sa mga fast food joints— na kinuha mula sa basurahan, nilinis, at muling niluto.
Marami na ang gumagawa ng pagpag sa Metro Manila kung saan ibinebenta pa ito na kahalintulad sa mga karenderya.
“Because they are so neglected…there are really, really, really poor people in Mindanao. Unang-unang walang pagkain –that’s absolute poverty,” ayon pa kay Abella.
“So anong mangyayari? Ang mga bata stunted. Pag stunted ang mga bata, how can they–paano ang next generation natin? You know, stunted sila physically, intellectually, mentally–how can we have a brilliant next generation? So we need to be able to address this poverty,” dagdag pa niya.
Ayon sa presidential aspirant, kung siya ang mananalong pangulo, ang gagawin niya ay “addressing the most underserved sector of our society–agriculture,” aniya.
Gagawin niya umanong “mega industry” ang agrikultura ng bansa kung siya ang magiging Pangulo ng Pilipinas.
Si Abella, na mayroong eskuwelahan sa Davao City, ay nagsilbi bilang spokesperson ng Palasyo mula June 30, 2016 hanggang October 30, 2017.
Comments