ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 13, 2021
Hinimay nang husto ng Senate Committee of the Whole sa isinagawang inquiry noong Lunes kung paano ang plano ng pamahalaan sa pag-angkat ng bakuna laban sa COVID-19.
Binusisi nang husto ng mga senador ang detalye hinggil sa plano ng gobyerno na may P72.5 bilyong pondo na inilaan para sa COVID-19 vaccine sa ilalim ng 2021 national budget.
Magkasunod na nagpresinta ng kani-kanilang plano si vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. at Health Secretary Francisco Duque III kung anu-ano ang mga pagpipiliang bakuna, paano ito iaangkat, paano ang storage hanggang sa kung paano ito makararating sa bawat Pilipino.
Kung pagbabasehan natin ang kanilang presentasyon, sa unang tingin ay aakalain nating wala nang problema dahil maliwanag sa kanila ang ligtas at libreng bakuna na plano nilang maiturok sa may 50 hanggang 70 milyong Pilipino bago matapos ang taong 2021.
At magtutuluy-tuloy na para tapusin ang pagbabakuna sa mga darating pang taon hanggang sa tuluyan na umanong mabigyan lahat ng ating mga kababayan upang makabalik na sa kani-kanilang buhay at makaahon na ang ating ekonomiya.
Dumalo sa naturang inquiry ang ilang budget official, representante ng Food and Drug Administration (FDA) at ng World Health Organization (WHO) na lahat ay nagbigay ng kani-kanilang pahayag hinggil sa planong pagbabakuna.
Halos dumaan sa butas ng karayom sina Galvez at Duque at sa buong maghapong tanungan ay lumitaw ang napakarami pa pala nating kakulangan na siya namang layunin talaga ng Senado upang hangga’t maaga ay mas makapaghanda pa.
Isa sa lumitaw na problema ay ang pagpili ng tamang tatak ng bakuna sa kabila nang napakarami ng Local Government Unit (LGU) ang nakipagsara na sa AstraZeneca na mula sa Europa na nainip na dahil sa sobrang kabagalan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Lumabas din sa talakayan na napakarami palang Pilipino ang ayaw magpabakuna dahil sa takot na baka makasama pa sa kanila ang epekto nito sa halip na sila ay magkaroon ng proteksiyon.
Aligaga rin ang marami kung ano’ng bakuna ba ang mapagkakatiwalaan at kung bakit mas pinapaboran pa ang mga bakunang nasa 75 porsiyento lamang ang effectivity na mas mahal pa gayung meron namang nasa 95 porsiyento ang effectivity.
Maging ang pagkakasunud-sunod kung sino ang mga dapat unahin para bigyan ng bakuna ay kumain ng ilang sandali dahil nais ng komite na bigyang-prayoridad ang mga frontliner na siya ring gagamitin sa pagtuturok ng bakuna.
Maraming pagkakataong nagpakita ng pag-aalala ang komite sa ipinakitang plano ni Duque na kung gagawin ng aktuwal ay tila hindi makakatotohan lalo pa at wala tayong karanasan kung paano magbakuna ng milyun-milyon nating kababayan.
Sa kabuuan ay tumining at nakita pa ang napakaraming problema na dapat paghandaan lalo pa at sa darating na mga Linggo ay paparating na ang bakuna na dapat ay ingatan dahil baka mawala ang bisa nito dahil sa maling pangangalaga.
Dapat ding magsagawa ng massive campaign drive ang IATF-EID para malaman ng marami na ligtas ang napili nilang bakuna at kung bakit ito ang napili nila para hindi tayo magkaproblema sa pagturok sa ating mga kababayan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Σχόλια