top of page
Search
  • BULGAR

Malaking hamon ang unang laro ng CamSur at Munti sa NBL

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 7, 2023




Mga laro ngayong Biyernes – Jesus Is Lord Colleges

4:30 PM Santa Rosa vs. Muntinlupa

6:30 PM Binan vs. CamSur


Sasabak na sa unang laro ngayong araw ang CamSur Express at Muntinlupa sa pagbubukas ng ikatlong linggo ng 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup sa Jesus Is Lord Colleges Foundation sa Bocaue, Bulacan. Naghihintay sa kanila ang Tatak GEL Biñan at Santa Rosa Lions na parehong galing sa malaking panalo noong nakaraang Linggo.


Hahanapin ng Biñan ang kanilang ikalawang sunod na tagumpay sa tampok na laro sa 6:30 ng gabi. Sasandal sila muli sa mahusay na nilalaro nina Danny Diocampo, Daniel Austria, Vinny Begaso, Clarence Bayani at Raymart Amil na nagsama para sa 84 puntos sa kanilang 104-100 panalo sa overtime kontra DF Bulacan Stars.


Nais ng Express na maging sulit ang paghihintay ng kanilang mga tagahanga at simulan ng positibo ang kampanya sa likod ng mga nagbabalik na beteranong sina AJ Perea, Alwin Margallo, Fredson Hermonio at Jester Olea. Nagtapos ang CamSur na may pantay na 4-4 kartada sa nakaraang Chairman’s Cup subalit natalo agad sa La Union PAOwer sa quarterfinals, 91-106.


Pinaghalong mainit at malamig ang ipinapakita ng Santa Rosa patungo sa 2-2 panalo-talo. Mainit ang Lions sa 92-74 tagumpay sa KBA Luid Kapampangan at sisikapin nila ulitin ito laban sa Muntinlupa sa unang laro ng 4:30 p.m.


Para manalo nang magkasunod sa unang pagkakataon, kailangan ng matibay na laro mula kay kapitan Jeff Disquitado, Gio Calacalsada, John Lester Maurillo at Jazzel Oliver Cardeno na gumagawa ng mahigit 10 puntos bawat isa sa unang apat na laro.


Samantala, magsisimula ngayong Sabado (Hulyo 8) ang 2023 NBL Youth Second Conference sa JILCF muli. May nakatakdang anim na laro simula 10:00 ng umaga sa Under-12, Under-14, Under-16, Under-19 at Under-21.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page