ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 9, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Louie na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nanghuhuli ako ng paruparo, ‘yung malaki at kadalasan na nahuhuli sa puno ng guyabano. May mga aso, pero biglang takot na takot nu’ng nakita ‘yung paruparo.
Nu’ng nahuli ko siya, bigla kong narinig ‘yung boses ni tatay, isinisigaw niya na bitawan ko ‘yung paruparo. Dama ko hanggang ngayon ‘yung takot.
Naghihintay,
Louie
Sa iyo, Louie,
Kaya ka natatakot ay dahil sa paniniwala ng mga Pinoy na ang paruparo ay madalas na kaluluwa ng namatay na dumadalaw o nagpapakita sa mahal niya sa buhay.
Marami ang nakadama ng takot sa ganu’ng pangyayari, pero kung lalaliman mo ang pag-iisip, mas magandang magpasalamat ang nakakita dahil dinadalaw ang mahal niya sa buhay. Kumbaga, malinaw na ikaw pala o ang dinalaw ay mahal ng namatay na, at ang hindi dinalaw ay puwedeng masabing hindi kabilang sa mahal ng namatay na.
Pero ang napanaginipan mo ay hindi paruparo o butterfly, ito ay ang isang malaking gamo-gamo o moth na maaaring Atlas Moth na nakikita sa bansa natin at sinasabing pinakamalaking moth sa buong mundo.
At dahil hindi butterfly ang nasa panaginip mo, hindi rin mangyayari ang sinasabi ng pamahiin nating mga Pinoy na ito ay kaluluwa ng namatay. Pero bakit narinig mo na biglang nagsalita ang iyong tatay at ang sabi, bitawan mo? Kaya sinabi ito ng tatay mo ay dahil ang moth ay mangingitlog at kung hindi mo ito bibitawan, hindi na siya makakapangitlog nang maayos. Pagtapos mangitlog ng moth, siya ay mamamatay na.
Sa ganitong paraan dumarami ang mga moth, kaya kung hindi makakapangitlog, kawawa naman ang moth, gayundin ang mga susunod na henerasyon ng mga tao dahil baka hindi na sila makakita ng malalaking gamo-gamo.
Kaya next time na may makita kang moth, hayaan mo lang. Ang kahulugan ng panaginip mong ito ay nagsasabing isa sa malapit sa iyo o maaaring ikaw mismo ay magkaroon na ng anak.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmudo del Mundo
Comments