top of page
Search
BULGAR

Malaking bagay sa mga Pinoy ang kape

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 17, 2021



Pagdating sa kape, masarap na kape at iba’t ibang klase ng kape, maraming nakapaloob na kuwento hinggil sa maituturing na isa sa yaman ng Pilipinas — na bukod sa gumigising sa ating diwa araw-araw ay isa na itong malaking industriya.


Ang unang puno ng kape ay ipinakilala sa Lipa, Batangas noong 1740 ng Spanish Franciscan monk at mula noon ay lumaganap na ito sa iba’t ibang panig ng Batangas at hanggang sa dumami na ang naengganyong magtanim nito.


Naging coffee capital of the Philippines pa ang Lipa at noong 1860 ay nagbebenta na ng kape ang Batangas sa America sa pamamagitan ng San Fancisco at kalaunan ay binuksan na ang Suez Canal hanggang sa magbukas na ang kalakalan sa merkado ng Europe.


Taong 1980, ang Pilipinas na ang ika-apat na pinakamalaking exporter ng coffee beans hanggang sa makarating na sa Brazil, Africa at Java bago umabot sa puntong tayo na ang nag-iisang pinagkukunan ng coffee beans sa buong mundo.


Ngunit bago natapos ang dekada 80 ay humina ang industriya matapos masalanta ang mga puno ng kape at nakaranas ng pagbagsak at pagbangon ang mga negosyante, ngunit hindi na naibalik pa ang dating napakasiglang merkado sa kape.


Dito nagkaroon ng pagkakataon ang may 50 bansa na mapalago rin ang pagtatanim ng kape, ngunit isa sa mga naging mapalad ang Pilipinas dahil pinaboran tayo ng maayos na klima at magandang kondisyon ng lupa kaya unti-unti ay nakabangon ang industriya ng kape.


Ang Pilipinas ay isa rin sa mangilan-ngilang bansa na nakagagawa ng apat na klase ng commercially-viable coffee tulad ng Liberica, Excelsa, Robusta at Arabica kaya naging kaanib tayo ng International Coffee Organization, na naging daaan upang makapag-import-export tayo sa iba’t ibang bansa.


Ayon sa Agricultural Cooperative Development International and Volunteers in Overseas Cooperative Assistance (ACDI-VOCA), isang American non-government organization na nagbibigay ng technical support sa ating mga magsasaka ng kape ay may positibo umanong tinatahak ang industriya ng kape sa bansa.


Sa ngayon ay napasok na natin ang merkado ng kape sa Canada, Japan, New Zealand at iba pang bansa at patuloy pang lumalakas dahil sa napakasarap na lasa ng kape na nagmumula sa ating bansa at kung hindi man tayo ang nangunguna ay tiyak na isa na tayo sa mga ito.


Naglalakihang coffee manufacturers na ang nakikita sa bansa bukod pa sa daan-daang coffee manufacturers na hindi kalakihan, ngunit ramdam na ramdam ang sigla ng kalakalan na lalong nagbibigay buhay sa ating mga magsasaka ng kape.


Ngunit alam n’yo ba na kahit napakarami na ng nagsasaka ng kape ay halos hindi pa rin maabot ang consumption demand ng mga Pinoy dahil sa sobra nating pagkahilig sa kape at kitang-kita naman ang nagsulputang coffee shop na sobrang mahal ng presyo.


Ayon sa kanilang pag-aaral, halos nasa 62,062 metric tons ng green coffee beans lamang ang ating coffee production sa loob ng isang taon, ngunit humigit-kumulang umano sa 100,000 metric tons ng kape kada taon ang ating nakukonsumo.


Sa ngayon ay ang SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos City) ang nangungunang coffee producer sa bansa na may 1.80 libong metric tons output o 30.7 prosiyento ng kabuuang produksiyon ng bansa para sa pinakahuling quarter.


Sinundan ito ng ARMM (Davao Region and Autonomous Region in Muslim Mindanao) na may magkasunod na ambag na 21.8 porsiyento at 21.3 porsiyento para sa magkasunod na quarter.


Ngunit ayon sa analisasyon ng ilang eksperto sa industriyang ito, malaki rin umano ang inunlad ng pagtatanim ng kape sa Cavite na dati-rati ay maliliit na magsasaka lamang ang nakikinabang ngunit ngayon ay pinasok na ng malalaking namumuhunan.


Sa ngayon ay pinaniniwalaang nadaig na ng bayan ng Amadeo sa lalawigan ng Cavite ang maraming lugar sa bansa sa produksiyon ng kape at may mga nagsasabing ito na ang coffee capital ng Pilipinas.


Grabe ang popularidad ng kape sa Pilipinas at wala itong pinipiling antas ng pamumuhay dahil mahirap o mayaman ay nahihirati sa pag-inom ng kape hindi lang sa umaga kundi sa tuwing kumakalam ang tiyan.


Isa sa pangunahing dahilan sa pag-inom ng kape ay ang energy-boosting effect nito, lalo na sa umaga na tila hindi nagbabalik ang normal na ulirat ng indibidwal kung hindi makaiinom ng kape at gamit din para hindi makatulog kung may tinatapos na trabaho sa gabi.


Pangunahing pantawid gutom din ito sa maraming lalawigan kasabay lamang ng isang pirasong pandesal ay maaari nang magtungo sa trabaho ang indibidwal na sanay na sa sistemang ito araw-araw.


Napakaraming mabuting dulot ang kape, huwag lang sobra dahil baka atakihin naman tayo ng nerbiyos tulad ng ilang mister na tingin lang ni misis ay kinakabahan na dahil sa kaiinom ng kape!


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments

Couldn’t Load Comments
It looks like there was a technical problem. Try reconnecting or refreshing the page.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page