top of page
Search
BULGAR

Malaking bagay ang teknolohiya sa serbisyo-publiko

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 7, 2022


Malaking tulong talaga sa lahat ng sektor ang teknolohiya. Kabilang kaming mga nasa serbisyo-publiko sa mga nakikinabang dito. Sa parte ko bilang senador, nagagawa kong maghatid ng mensahe sa mga kababayan nating nasa malalayong komunidad sa pamamagitan ng teknolohiya.


Masasabi kong dahil sa teknolohiya, mas nagiging madali para sa akin ang pagsabayin ang tungkulin ko sa Senado at ang paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan. Walang nasasayang na oras.


Pero sa totoo lang, hangga’t maaari ay mas gusto kong personal na nabibisita ang mga kababayan natin sa kanilang komunidad mismo kahit saan mang sulok ng bansa. Mas gusto kong aktuwal na nakikipagtalakayan at personal na lumalapit sa ating mga kababayan para marinig mismo sa bibig nila ang kanilang mga karaingan.


Sa katunayan, nitong Oktubre 4 ay bumiyahe ako sa Tagoloan, Misamis Oriental at personal na nag-abot ng tulong sa 301 na maliliit na negosyante sa nasabing lugar. Pagkatapos nito ay biyaheng Cagayan de Oro City ako at personal ko ring hinatiran ng ayuda ang 381 benepisaryo na mga biktima ng sunog.


Kasabay nito ay lumahok din ako nang online sa mga isinagawang pagdinig sa Senado, partikular sa mga kinakailangang budget ng mga ahensya para sa 2023.


Online ko ring sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Alangalang, Leyte. Bilang Chair ng Senate Committee on Health, talagang pinagsisikapan natin ang pagpapalakas sa ating healthcare system para handa tayo anuman ang lumaganap na sakit.


Oktubre 5 ay sa Sarangani naman tayo nagtungo para personal na saksihan ang ceremonial groundbreaking ng itatayong Glan Super Health Center. Masaya tayo na patuloy na nadaragdagan ang mga itinatayong Super Health Center sa buong bansa.


Sinaksihan at nakiisa rin tayo sa pagdiriwang ng Indigenous Peoples Day na ginanap sa Municipal Plaza ng Glan. Bago natapos ang araw, nakisalamuha at nagkaloob din tayo ayuda sa 500 benepisaryo roon.


Tumungo naman tayo sa Cotabato Province ngayong araw na ito, Oktubre 7 para dumalo sa pagdaraos ng Makilala Founding Anniversary. Personal tayong namahagi ng ayuda para sa daan-daang residente ng Makilala. Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Arakan, at nagkaloob ng tulong sa mga mahihirap doon.


Samantala, bukod sa aking mga personal na napuntahan, naghatid din ang aking tanggapan ng tulong sa mga kababayan nating apektado pa rin ng pandemya at iba pang krisis ang kabuhayan.


Maagap nating sinaklolohan ang mga nasunugan gaya ng 279 na pamilya sa Zamboanga City; 69 na pamilya sa Brgy. 662, Paco, Maynila; 24 na residente ng Brgy. Kamuning, Quezon City; at dalawa pa sa Bgy. Yati, Liloan, Cebu.


Nagkaloob tayo ng ayuda para pagaanin ang dalahin ng 600 na benepisaryo sa San Pablo City, Laguna; 333 sa Tarlac City; 201 sa Masantol, Pampanga; at dalawang pamilya sa Tacurong City, Sultan Kudarat.


Tuluy-tuloy rin ang pagkakaloob natin ng suporta sa maliliit nating negosyante. Sa Ilocos Sur, naabutan natin ng tulong ang 311 MSMEs sa Vigan City at Narvacan; at 303 pa sa Sta. Maria at Sta Cruz. May 600 na benepisaryo rin sa Iloilo City.


Nakarating din ang aking team sa Cagayan para sa mga MSMEs doon at naalalayan ang 83 benepisaryo sa Penablanca; 83 sa Santa Teresita; 75 sa Camalaniugan; 75 sa Gonzaga; 58 sa Rizal at Amulung; at 27 pa sa Claveria. Hindi rin natin kinaligtaan ang 549 benepisaryo sa Baguio, Pasuquin, Bacarra at Laoag City sa Ilocos Norte; 400 sa Iligan City, Lanao del Norte; at 71 pa sa Don Carlos, Bukidnon.


Sa iba pang kababayan natin, anumang oras ay darating ako o ang aking relief team sa inyong komunidad para matulungan kayo sa abot ng aking makakaya.


Masaya ako na nagagamit ko ang aking lahat ng oras at panahon para magserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya. Ibinabalik ko sa inyo ang tiwalang ipinagkaloob ninyo sa akin bilang inyong lingkod bayan. Patuloy ko pong gagampanan ang aking sinumpaang tungkulin sa inyo gamit ang aking kakayahan, lakas at pagmamalasakit sa kapwa. Hinding-hindi ako titigil sa pangakong paghahatid ng serbisyo sa bawat Pilipino sa lubos ng aking makakaya!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

댓글


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page