top of page
Search
BULGAR

Malaking bagay ang face-to-face classes sa mga estudyante, magulang at guro

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | September 23, 2021



Noon pa man, go tayo sa ideyang limidatong face-to-face classes. Dahil unang-una, pare-parehong makatutulong ito sa pagbalanse ng buhay ng mga guro at estudyanteng nabuburo na lang sa bahay, at doble-pahirap naman sa mga magulang na abala na sa gawaing bahay, tumatayo pang titser din sa online classes.


Kaya naman, suportado natin ang pilot testing ng face-to-face classes ng nasa 120 paraalan. Tinitingnan ngayon ng DepEd at CHEd, ang mga lugar na kakaunti lang ang kaso ng COVID-19.


Pasalamat tayo kay Pangulong Rodrigo Duterte at aprubado na niya ito at nakita ang pangangailangang simulan na ang paunti-unting panunumbalik ng mga face-to-face classes. Eh, ‘di ba nga, ayon sa World Bank, ang pagsasara ng mga eskuwelahan na tumagal ng limang buwan ay magreresulta sa pagkawala ng 0.6 na taon ng pag-aaral.


Ikalawa, bagama’t nakababahala ang sitwasyon ngayong may pandemya, kailangan na itong isagawa dahil mawawalan na ng interes sa pag-aaral, ambisyon at pagiging positibo ang mga mag-aaral, ‘di ba?! Whether we like it or not, new normal na tayo at kailangan nating yakapin ang sitwasyon na may COVID-19 sa ating paligid.


Ikatlo, ang mental health ng mga bata, magulang at guro ay dapat ring isaalang-alang. Huwag natin hayaang ang pagkaburo sa online classes ang maging daan para mauwi sa depresyon ang pag-iisip ng mga batang bagot na bagot na sa bahay! Kahit ang tibay ng loob ng mga nanay at guro may hangganan din.


Basta marunong lang sumunod sa health protocols ang mga school administrators, titser, mag-aaral at iba pang school staff, mairaraos natin ang face-to-face classes.


IMEEsolusyon sa pilot testing na ito, eh, dapat doble ang pag-iingat para hindi magmintis. Maraming proseso pa ang daraanan nito bago tuluyang maisakatuparan. Para sureball ang pagiging epektibo nito, kailangan munang sumang-ayon ang mga LGUs kung nasaan ang mga paaralang lalahok sa pilot testing at ang lahat ng mga magulang kailangan din hingan ng permiso.


Dahil hindi compulsory o pipilitin ang mga magulang, kailangan pang masiguro ng bawat paaralan kung ilang estudyante ang lalahok, tapos aayusin pa ang scheduling ng mga klase, pati ang bagong paglatag ng mga classroom.


Ang mga teacher na above 65 kailangan namang mahanapan ng gagawin kung hindi sila papayagan makalahok sa face-to-face classes. Maiiwasan ang peligro sa kanilang kalusugan kung hahawakan nila ang mga online classes na itutuloy pa rin naman, kasi paiikliin ang oras ng sa face-to-face.


Kung susundin natin lahat ng factors at bagay na dapat nating bigyang-konsiderasyon bago ipatupad ang pilot testing ng face-to-face classes, siguradong magtatagumpay ito. Kaya plis lang, ang suporta ng mga magulang sa kanilang mga anak at konsiderasyon sa mga guro ang susi ng maayos na implementasyon nito. Agree?

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page