top of page
Search
BULGAR

Malagim na sinapit ng 9-anyos, hustisya mailap pa rin

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | Pebrero 9, 2024

Marapat na mapatunayan ang pagkakasala ng akusado sa pamamagitan ng sapat na ebidensya.


Sa tuwing nakaririnig tayo ng balita ng mga karumal-dumal na krimen, ang lagi nating naiisip o nabibigkas ay ang salitang “hustisya” na siyang nararapat sa anumang uri ng krimen, kahirapan o kasamaan. 


Gayunman, may mga ilang pagkakataon na sa paghahanap ng hustisya at agarang solusyon – kawalan ng hustisya o 'di kaya ay panakip-butas ang nagiging pagtugon sa halip na tunay na solusyon.


Sa artikulo natin ngayon, ating ibabahagi ang isa sa mga natulungan ng ating tanggapan na mapawalang-sala sa kasong murder na isinampa laban sa kanya, kaugnay sa malagim na kamatayan na sinapit ng batang itago na lamang natin sa pangalan na “AAA”. 


Kaya naman sa kasong hawak ng Public Attorney’s Office (PAO), ang People v. Latosa (CA-G.R. CR-HC No. 15), na isinulat ni Honorable Associate Justice Mary Charlene V. Hernandez-Azura. Noong Oktubre 25, 2023, napalaya sa mabigat na akusasyon ng pagpaslang ang isa nating kliyente na itago na lamang sa pangalang "Armand".


Bilang pagbabahagi, noong ika-9 ng Hulyo 2012, ang 9-anyos na biktima na si "AAA", estudyante na nasa ikaapat na baitang ay pumasok sa kanyang paaralan. Subalit, alas-5 ng hapon hindi pa rin ito nakakauwi. At dito na nagsimulang mag-alala ang nanay ni "AAA" na si "MMM".


Makalipas ang ilang sandali, sumali na rin sa paghahanap ang tatay ni "AAA" na si "DDD" sa kabila ng walang kapagurang paghahanap, wala pa rin silang natagpuan na anumang bakas ng kanilang anak. 


Kinagabihan, nagkaroon din ng search party para sa biktima. Alas-10 ng gabi, umuwi si "DDD" at sinabihan si "MMM" na kumalma sa nakadudurog na balita, dahil natagpuan na umano si "AAA" sa madamong bahagi malapit sa mga puno ng abaka na 300 metro ang layo mula sa kanilang tahanan.


Ayon sa deskripsyon, naka-uniporme pa si "AAA" ngunit ang kanyang pang-ibaba ay nasa bahagi na ng kanyang tuhod. Nakadapa siya habang ang kanyang ulo ay nakatagilid. Mulat ang mga mata nito, habang nakabuka ang bibig na nagpapahiwatig na dumanas muna siya ng labis na hirap bago siya masawi. Bukod pa rito, mayroon ding laslas sa kanyang leeg na siyang tunay na nakapangingilabot.


Makalipas ang ilang buwan, noong ika-15 ng Oktubre 2012, lumitaw ang isang saksi na itago na lamang natin sa pangalang "Pedro". Ang tinuturo niya ay walang iba kundi si "Armand" bilang taong pinakamalapit sa bangkay ni "AAA".


Mula sa nag-iisang salaysay ni "Pedro" inakusahan at nahatulan si "Armand" sa kasong murder noong ika-8 ng Agosto 2021 ng mababang hukuman. 


Kaugnay dito, umapela si "Armand" sa naunang hatol ng hukuman at humiling na mapawalang-sala sa kadahilanan na ang salaysay ng nag-iisang testigo ay hindi karapat-dapat na paniwalaan. 


Kaugnay sa naunang nabanggit, binaligtad ang naunang hatol kay "Armand" at tuluyan itong pinawalang-sala. 


Ayon sa hukuman, dapat mapatunayan ang pagkakasala ng akusado sa pamamagitan ng sapat na ebidensya. Bukod pa rito, hindi rin malinaw sa salaysay ni Pedro kung nakita ba niya si "AAA". Dahil dito, hindi lang ang pagkakakilanlan ng pumaslang ang hindi malinaw, kundi maging ang naturang biktima na aniya ay kanyang nasaksihan. 


Samakatuwid, dahil hindi napatunayan ng estado ang pagkakakilanlan ng pumaslang at ng biktima. Ang mga pagdududa na ito ay nararapat na iresolba tungo sa kanyang pagpapawalang-sala, alinsunod sa pagpapalagay na inosente maliban na lamang kung mapatunayan ang pagkakasala.


Sa kuwentong ating ibinahagi, daing pa rin ng pamilya ni "AAA" ang malagim na sinapit nito. Gayunman, ang aral sa ating kuwento ay sinasabi na hindi dahilan ang nabanggit na kalagiman na sinapit ng biktima para laktawan ang mga rekisito para mapatunayan ang konbiksyon. 


Sapagkat hindi lamang ito daing sa naturang biktima, kundi maging sa inosenteng tao na nadawit sa isang krimen na hindi naman napatunayan. Ibayong pag-iingat ang kinakailangan sa pagsuri ng ebidensyang inilalatag, nang sa gayun ay maibigay ang tamang kaparusahan sa nagkasala at paglaya naman para sa hindi naman napatunayang gumawa.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page