ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 13, 2023
Parehong mahalaga ang ama at ina sa bawat pamilya. Bilang mga magulang sila ang may pangunahing responsibilidad sa pagtataguyod ng kanilang pamilya.
Kapag sila o isa sa kanila ay nawala, lalo na kung ito ay dulot ng mapait na kamatayan, ang kanilang buong pamilya ay labis na maaapektuhan.
Sa artikulo natin ngayon tampok ang kasong People of the Philippines vs. Wilson Barlizo y Borral (CA G.R. CR No. 41815, November 23, 2020, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Florencio M. Mamauag, Jr. [3rd Division]), na hawak ng aming tanggapan. Kaugnay sa nasabing kaso, tunghayan natin ang kuwento ng pagpanaw ng isang haligi ng tahanan na hanggang sa ngayon ay dumadaing at naghahanap pa rin ng katarungan.
Ika-21 ng Hunyo taong 1987, bandang ala-1:00 ng hatinggabi sa Rapu-Rapu, Albay, nagising sa gitna ng kanilang pagkakatulog si Agripino Berjuega at kanyang pamilya nang mayroong marinig na ingay bunsod ng pamamato mula sa labas ng kanilang bahay. Lumabas ang kanyang ama na si G. Mateo Berjuega, kasunod ang kanyang ina, upang alamin kung ano ang sanhi ng ingay.
Sumunod ay narinig na lamang ni Agripino ang sigaw ng kanyang ina at ang pagbagsak ng kanyang ama.
Agad na pinuntahan ni Agripino ang mga magulang at sa kanilang pintuan ay nakita niya ang dalawang lalaki – ang isa ay nakaharap sa kanya at ang isa ay nakatalikod. Nakilala niya ang mga ito na sina Wilson Barlizo at Helario Borral. Narinig ni Agripino na sumigaw si Wilson ng, “Tinamaan si Tata Mating”, at si Helario ng, “Durulag na kita ta rugado si Tata Mating”.
Nang makatakbo ang dalawa ay agad na tinulungan ni Agripino na madala ang ama sa loob ng kanilang bahay. Naghanap ang kanyang ina at kapatid na maaaring makahilot kay Mateo upang maibsan ang sakit na iniinda nito. Bagama’t nadala nila si Porfirio Barlizo, ama ni Wilson, upang hilutin si Mateo, hindi naibsan ang sakit nito.
Kinabukasan, dinala nila si Mateo sa pagamutan sa Legaspi, subalit sila ay pinayuhan na dalhin ito sa ospital upang maoperahan dahil sa pilay nito sa binti. Sa kasamaang palad, binawian ng buhay si Mateo bago pa man makalikom ang kanyang pamilya ng pangtustos sa kanya sanang operasyon.
Naihain sila ng reklamong homicide laban kina Wilson, Helario at isang nagngangalang Raul Borral noong Nobyembre 28, 1988. Sapagkat, hindi pa nahuli ang tatlo, pansamantalang nai-archive ang kaso. Binuhay lamang ito noong Setyembre 1993 nang mahuli si Raul, ngunit na-dismiss ang kaso laban sa kanya sapagkat siya ay ginawang state witness. Binuhay naman ang kaso laban kay Wilson nang siya ay mahuli noong Agosto 31, 2016. Si Helario naman ay nanatiling at large.
Si Agripino ang tanging testigo para sa prosekusyon, sa kanyang testimonya noong siya ay na-cross examine, sinabi ni Agripino na nakilala niya si Wilson sapagkat kalaro niya ito mula noong sila ay mga bata pa at bago ang insidente ay maayos ang kanilang pakikitungo sa isa’t isa. Sinabi niya rin na noong siya ay magising, wala na sa silid ang kanyang ama at bagama’t sinubukan niya at ng kanyang ina na pigilan ang ama na lumabas ay nagpumilit si Mateo na alamin kung ano’ng sanhi ng naturang ingay. Sinaad din ni Agripino na hindi niya alam kung saan nagmula ang sakit ni Mateo sa binti at nakita niya ito na umupo sa lapag habang hawak ang tiyan.
Sa parte naman ng akusadong si Wilson, itinanggi niya ang paratang laban sa kanya.
Siya diumano at ang amang si Porfirio ay umalis upang mangisda noong alas-4:00 ng hapon noong Hunyo 21, 1987 at nakabalik lamang ng alas-5:00 ng madaling araw kinabukasan. Nang sila ay makauwi sa kanilang bahay, nakita nila si Amalia, anak ni Mateo, at sinabi nito na pinasusundo si Porfirio upang hilutin si Mateo.
Ayon kay Wilson, hindi na niya alam ang nangyari matapos makaalis si Porfirio at Amalia. Si Porfirio ay tumayong testigo para sa depensa. Batay sa kanya, sila ay magkumpare ni Mateo.
Pinatotohanan niya ang testimonya ni Wilson na sila ay umalis para mangisda at pumunta ang anak ni Mateo sa kanilang bahay upang ipahilot ang ama. Nang makarating sa bahay ni Mateo ay agad niyang tinanong kung bakit ito magpapahilot.
Sinagot siya ni Mateo na tinamaan siya sa gilid ng kanyang tiyan. Tumanggi si Porfirio dahil, aniya, nanghihilot lamang siya ng pilay. Gayunman, pinayuhan niya si Mateo na pumunta ng ospital upang magpagamot. Nalaman na lamang niya na pumanaw si Mateo makalipas ang dalawang araw.
Hinatulan ng Regional Trial Court (RTC) si Wilson bilang may sala sa krimen. Maliban sa parusang pagkakakulong ay pinagbabayad din siya para sa pinsala at danyos.
Inapela ni Wilson ang naturang hatol sa Court of Appeals (CA). Iginiit niya na hindi nakita ni Agripino kung sino ang bumato sa namayapang biktima at hindi rin diumano sapat ang circumstantial evidence na iprinisinta ng prosekusyon. Mayroon diumanong pagdududa kung ano’ng proximate cause ng pagkamatay ni Mateo, at ang pagdududa na ito ay dapat ikonsidera nang pabor sa kanya.
Ayon kay Wilson, dapat bigyang-halaga ang kanyang alibi sapagkat ito ay pinatotohanan ni Porfirio. Matapos ang masusing pag-aaral, ipinawalang-sala ng CA si Wilson.
Batay sa hukuman, sa kasong murder o homicide, kinakailangan na mapatunayan batay sa hindi mapag-aalinlanganan na ebidensya na ang biktima ay sinadyang patayin. Ang nasabing ebidensya ay maaaring binubuo ng sandata na ginamit ng salarin, uri, lokasyon at bilang ng sugat na tinamo ng biktima, at mga salitang sinabi ng salarin bago, habang at pagkatapos ang pagpaslang sa biktima.
Sa kaso laban kay Wilson, hindi nakita ng CA na mayroong moral na katiyakan na ang akusado ang salarin. Walang nakitang direktang ebidensya na si Wilson ang gumawa ng krimen. Sa testimonya ni Agripino, hindi niya nabanggit na nakita niyang si Wilson ang bumato kay Mateo o sa kanilang bahay. Bagama’t nagprisinta ng circumstantial evidence ang prosekusyon, hindi ito naging sapat para sa CA upang sang-ayunan ang hatol ng RTC.
Ayon sa CA, ang presensya ni Wilson sa labas ng naturang bahay ay hindi nangangahulugan na siya ang dumaluhong sa biktima. Ang kanyang pagsigaw din kay Helario ay hindi nangangahulugan na kasabwat siya sa krimen. Napuna rin ng hukuman na maliban sa testimonya ni Agripino, ang tala ng kamatayan ng biktima lamang ang nailatag ng prosekusyon na ebidensya. Subalit, hindi ipinaliwanag sa pagdinig sa RTC ang saklaw ng tinamong sugat ng biktima o kung tinamaan ito ng mapurol na sandata.
Batay din sa CA, dahil walang testigo na nakakita kung sino at paano inatake ang biktima, mahalaga na mapatunayan ang motibo sa kanyang pagpaslang. Ngunit, hindi napatunayan ng prosekusyon na mayroong motibo si Wilson para paslangin ang biktima.
Bagama’t ang pagtakas o pagtatago ng akusado ay magagamit bilang ebidensya, hindi ito agarang nangangahulugan ng pagkakasala sapagkat mayroong ibang posibleng dahilan upang gawin ito tulad na lamang ng takot ng paghihiganti, hindi pagnanais na maging testigo at takot na mapagbintangan.
Bagama’t mahina ang depensa na alibi, hindi nangangahulugan na hatol ng pagkakakulong ang dapat igawad sapagkat ipinagpapalagay na inosente ang bawat akusado hanggang sa mapatunayan ang kanyang pagkakasala. Ipinaliwanag ng CA, sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Florencio M. Mamauag, Jr., alinsunod sa paliwanag ng Supreme Court sa mga kasong Arce vs. People (G.R. No. 125857, March 20, 2002, na isinulat ni Honorable Associate Justice Consuelo Ynares-Santiago) at Lejano vs. People (G.R. No. 176389, December 14, 2010, sa panulat naman ni Associate Justice Roberto A. Abad)
The presumption of innocence of an accused is a substantial part of the law founded upon the great principle of justice that cannot be balanced out merely by conjecture or probability.
Conjectures and suspicions cannot be the bases of conviction as they cannot substitute for the constitutional requirement of proof of guilt beyond reasonable doubt. The heavy burden of overcoming the presumption of innocence rests on the prosecution, and unless it succeeds in proving by satisfactory evidence the guilt of the accused, the constitutional mandate of innocence prevails.”
Lubos na hinagpis ang natamo ng mga naulila ng namayapang biktima na isang haligi ng tahanan. Inaasahan pa rin na darating ang panahon na mahuhuli at mapapanagot ang mga taong responsable sa malagim na pagkamatay niya.
Comentarios