top of page
Search
BULGAR

Mala-bangungot na panaginip, babala na may sakit sa puso o walang ganang mabuhay

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 1 , 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Aurora na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko dahil palaging ganu’n ang napapanaginipan ko. Sa panaginip ko, gusto akong patayin ng asawa ko, tapos gusto niya akong itulak sa isang bangin, ngunit bago niya pa ako naitulak, may isang tao na tumulong sa akin at hindi ako nahulog.


Pagtingin ko sa asawa ko, nakita ko siyang patay at nasusunog siya, tapos nakita ko na siyang nasa kabaong, pero hindi naman sunog ang katawan. Nang matapos siyang ilibing at nang matutulog na kami ng anak ko, may nakitang sulat ang anak ko at dali-dali kong kinuha at itinago ‘yung sulat. Tapos binuhat ko ang anak ko at pumunta kami sa bahay ng biyenan ko, tapos nakita ko ang bahay namin ng asawa ko na maliwanag pero walang tao.


Nang magising ako, habol ko ang hininga ko at parang totoo ang panaginip ko. Sa totoong buhay, buhay pa ang asawa ko pero hiwalay na kami. Sana ay masagot n’yo ako. Maraming salamat!


Naghihintay,

Aurora


Sa iyo, Aurora,


Una, dahil mahalaga ang kalusugan ng isang tao kaysa sa anumang bagay dito sa mundo, mas magandang pagtuunan natin ng pansin ay kapag ang nanaginip ay nagising at ang hininga ay hinahabol na parang totoo ang napanaginipan, ang payo ay magpatingin sa tunay na doktor dahil ang paghingal ay babala ng mahinang heart o puso.


Minsan, may pagkakataon na wala namang sakit ang nanaginip, kaya lang, mali ang kanyang sleep position o istayl ng pagtulog. Kapag nakatulog na sa gawing kanan nakahilig, madalas na siya ay makararanas ng mga panaginip na tulad ng sa iyo na parang nakakatakot na pangyayari at siya rin ay magigising na hinahabol ang hininga. Ito rin, iha, ay puwedeng palatandaan ng sakit sa digestive system.


Kapag naman nakatulog nang may katagalan na nakahiga, as in, diretso ang katawan, mananaginip din ng mala-bangungot at nahihirapang huminga. Puwedeng wala siyang sakit, pero sa ganu’ng klase ng pagtulog, lumiliit ang daluyan ng hangin papalabas at papasok sa lungs kaya hindi makahinga.


Ang pinakamagandang paraan o istayl ng pagtulog ay sanayin ang sarili na pabiling-biling o paiba-iba ang puwesto dahil kapag matagal sa iisang puwesto sa pagtulog, ang tao ay puwedeng bangungutin.


Ang isa pa sa inirerekomenda ay ang pagtulog na nakahilig sa kaliwa dahil sa ganitong paraan, hindi nahihirapan ang puso o heart kaya hindi makakapanaginip na siya ay parang dinadaganan o may dumadagan sa kanya.


Pagkatapos mong malaman ang ilang mahahalagang isyu tungkol sa iba’t ibang posisyon ng pagtulog, ang panaginip mo sa kanyang kabuuan ay nagsasabing kulang na kulang ka sa pagkilos o nawawalan ka ng sigla na mabuhay. Kumbaga, nananamlay ka at ganundin ang iyong kapalaran.


Dahil dito, ikaw ay pinapayuhan na gumawa ng mga bagay na makabuluhan tulad ng pagsisikap na paunlarin pa ang iyong buhay sa pamamagitan ng mga bago at kakaibang proyekto na hindi mo pa nasusubukan.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Recent Posts

See All

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page