ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 05, 2021
Mga kababayan, patuloy pa rin ang laban natin kontra COVID-19 at hindi tayo susuko hangga’t malampasan nating lahat ito. Bukod sa mga pinaigting na hakbang kontra sa pandemya, ginagawa rin ng gobyerno ang lahat upang maging mas mabilis, maayos at maaasahan ang mga serbisyong pangkalusugan kahit saan mang parte ng bansa.
Nitong nakaraang linggo lang, binuksan na ang tatlong karagdagang Malasakit Centers sa Visayas — sa Cebu Provincial Hospital sa Carcar City, Cebu; at Leyte Provincial Hospital at sa Schistosomiasis Control and Research Hospital sa Palo, Leyte. At nitong Martes naman, binuksan natin ang Malasakit Center sa Don Jose Monfort Medical Center Extension Hospital sa Barotac Nuevo, Iloilo.
Sa loob ng tatlong taon, nakapaglunsad na tayo ng 106 Malasakit Centers sa buong bansa. Sa kabuuan, halos dalawang milyong katao na ang ating natulungan at dahil naisabatas na ito, tiyak tayong darami pa ang makikinabang na mga Pilipino sa darating na panahon.
Dahil sa Malasakit Centers, hindi n’yo na kailangang pumila at umikot pa sa iba’t ibang opisina upang makakuha ng tulong mula sa gobyerno. Nasa iisang kuwarto nalang sa loob ng pampublikong ospital na malapit sa inyo ang mga ahensiyang handang magbigay ng tulong pampagamot lalo na sa mahihirap na Pilipino.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health and Demography, titiyakin nating prayoridad palagi ang proteksiyon ng buhay ng bawat Pilipino habang unti-unting binubuksan muli ang ating ekonomiya sa ligtas na paraan. Binabalanse natin palagi ang kalusugan at kabuhayan ng ating mga kababayan upang maiwasan hindi lamang ang sakit, kundi pati rin ang gutom at kahirapan.
Ikinatutuwa nating ibahagi ang patuloy na pagdating ng mga bakuna sa ating bansa. Nitong Mayo 1, nakatanggap tayo ng unang batch ng Sputnik V na bakuna mula sa Russia. Bukod pa rito, may inaasahan tayong 1.5 milyong bakuna mula sa Sinovac ngayong Mayo 7. Patuloy lang ang pagdating ng bakuna hanggang sa matapos ang taon para makamit natin ang herd immunity pagdating ng 2021.
Nananawagan tayo sa ating mga kababayan na huwag matakot sa bakuna. Mas matakot kayo sa COVID-19. Bakuna ang solusyon para malampasan ang pandemyang ito at ang susi tungo sa muling pagbalik natin sa normal na pamumuhay. Sa katunayan, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagpabakuna na noong Lunes upang maipakita sa mga Pilipino na ligtas at epektibo ang mga ito.
Panahon ito ng pagtutulungan, pagmamalasakit at pakikiisa sa bayanihan. Hindi ito panahon para magsiraan, magsisihan o manlamangan pa.
Mag-ingat tayo hindi lamang sa sakit na kumakalat, kundi pati rin sa mga nagkakalat na mga fake news. Huwag hayaang manaig ang mga may maitim na budhi at mayroong masamang saloobin. Sa mga nagpapakalat ng fake news, ano’ng mapapala ninyo? Masaya kayo sa panloloko ninyo? Hindi na nga nakatutulong, dagdag-problema pa sa kapwa.
Lahat tayo ay may papel na ginagampanan sa laban na ito. Maging parte tayo ng solusyon kaysa dumagdag pa sa problema. Kayang-kaya natin itong lampasan kung tayo ay magkakaisa para sa kabutihan ng buong bansa!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentários