ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | May 22, 2022
Nananawagan tayo sa mga magulang na makiisa sa libreng programa ng DOH, UNICEF, at WHO upang mabigyan ng bakuna laban sa iba’t ibang sakit ang ating mga anak.
Ang Chikiting Bakunation Days ay gaganapin sa Huwebes, Mayo 26, hanggang Biyernes, Mayo 27 sa buong bansa.
Ang libreng routine and catch-up immunization program ay para sa ating mga chikiting na nakaliban sa kanilang bakuna noong nakaraang taon dahil sa pandemya.
Target ng programang ito na mabakunahan ang tinatayang isang milyong bata na vaccine eligible.
Hinihimok natin ang mga magulang at mga guardians na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na health centers. Ito ay gaganapin din sa huling Huwebes at Biyernes ng Hunyo 2022.
☻☻☻
Kamakailan lamang ay inanunsyo ng PAGASA ang pagsisimula ng rainy season sa ating bansa.
Ipinaabot din natin ang ating paalala sa lahat na maging mapagmatyag sa mga sakit na dulot ng baha at nakatenggang tubig tulad ng leptospirosis at dengue.
May mga ilang lugar sa ating bansa ang nagtala ng pagtaas ng kaso ng dengue, partikular na sa Cebu City na nakapagtala ng 422 na kaso mula Enero hanggang Mayo ng taong ito.
Ito ay katumbas ng mahigit 1,000% na pagtaas ng kaso, mula sa 36 na kasong naitala noong 2021.
Maaari tayong makatulong na maiwasan ang dengue sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga puwedeng pamugaran ng lamok tulad ng bote at lata.
Ang mga biglaang pagbuhos naman ng ulan ay maaaring magdulot ng baha na maaaring may dala ng bacteria na nagdudulot ng leptospirosis. Hangga’t maaari ay iwasang lumusong sa baha, lalo na kung may sugat.
Nakikiusap naman tayo sa mga awtoridad na bilisan at dalasan ang flood-control measures sa kanilang nasasakupan upang maiwasan ang pagbaha.
☻☻☻
Sa ating masusing pag-iingat ay maiiwasan natin ang pagkakasakit. Manatili po sana tayong malusog.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments