ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 1, 2022
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, sa aking paglilibot sa buong bansa para maghatid ng tulong sa ating mga kababayang labis na apektado ng pandemya at iba pang krisis, madalas itanong sa akin kung batayan ba ang pagbaba ng alert level para masabing ligtas na tayo sa COVID-19.
Para sa akin, habang nariyan pa ang COVID-19 ay delikado pa tayo at huwag maging kumpiyansa. Kaya patuloy ang aking pag-apela sa ating mga kababayan na kailangan natin ang disiplina at patuloy na pagsunod sa mga health protocols habang tuluy-tuloy ang pagbabakuna. Importante ang buhay at kalusugan ng bawat Pilipino, kaya huwag nating hayaang tumaas na naman ang mga kaso tulad sa ibang bansa.
Sa ngayon ay 65 milyong Pilipino na ang fully vaccinated. Mahigit 72% na ito ng targeted population na dapat mabakunahan.
Nasa 243 million doses na ng bakuna ang dumating sa ating bansa. Huwag n’yo na pong sayangin ang pagkakataon. Hinihikayat ko ang mga kababayan natin sa malalayong lugar, gaya sa Mindanao na hindi pa nakakamtan ang targeted population na dapat mabakunahan, na sana ay makiisa kayo sa vaccine rollout ng ating pamahalaan. Patunayan natin na kung gusto nating bumalik sa normal na pamumuhay, magpabakuna na kayo dahil bakuna lang ang tanging susi o solusyon sa ngayon para makawala na tayo sa pandemya.
Patuloy pa rin ang aking serbisyo sa ating mga kababayan lalo na ngayong mas maraming komunidad na ang aming mapupuntahan.
Nagsagawa tayo ng serye ng relief efforts sa iba’t ibang barangay sa Island Garden of Samal sa Davao del Norte kung saan 3,000 katao ang nakatanggap ng ayuda, at personal kong nakasama. Nakarating din ang aking mga staff sa Siquijor para ayudahan ang 964 benepisyaryo, 977 benepisyaryo mula sa iba’t ibang bayan ng Zambales at 55 pamilya sa Caloocan City.
Ang mga kababayan naman nating nasunugan sa Bgy. Hagonoy at Bgy. Maharlika sa Taguig City ay aking personal na pinuntahan upang makapag-abot ng tulong sa 146 pamilya. Parehas na tulong din ang natanggap ng 353 pamilyang nabiktima ng sunog sa Arkong Bato, Valenzuela City.
Kabilang sa mga naaabutan ko ng tulong ay mga estudyante. Lagi kong ipinaaalala sa kanila na mag-aral na mabuti dahil sila ang kinabukasan ng bayang ito. Umaasa akong makapagtatapos sila ng pag-aaral dahil ang mga magulang nila ay nagpapakamatay na magtrabaho para sa kanilang edukasyon. Dapat na mag-aral silang mabuti para makapagtapos at mapasaya ang kanilang mga magulang.
Unti-unti na rin silang babalik sa face-to-face learning. Sa ngayon, kalusugan at buhay ng mga estudyante ang aking prayoridad at importante na tuluy-tuloy ang kanilang pag-aaral na hindi nailalagay sa panganib ang kanilang buhay.
Samantala, patuloy kong isusulong ang mga isinumite kong Senate Bill No. 2393, o ang Rental Subsidy Bill; at ang Senate Bill No. 1228, o ang Mandatory Evacuation Center Bill sa Senado.
Kadalasan po kasi, kapag may mga sunog at iba pang kalamidad ay ginagawang evacuation center at pansamantalang tirahan ang mga classroom. Kung may pasok ang mga estudyante, ang hirap naman ng ganoong sitwasyon na mag-aagawan sila sa puwesto.
Sa SBN 2393, tutulungan natin na makakuha ng maayos na tirahan ang ating mga kababayang ang bahay ay nawasak dahil sa natural and man-made disasters.
Sa SBN 1228 naman ay bibigyan ang mga biktima ng kalamidad ng pansamantalang masisilungan na ligtas at kumpleto sa essential goods, medisina, at personahe para matiyak na komportable sila at mapangangalagaan ang kanilang kapakanan para mas mabilis na makabangon muli mula sa trahedya.
Karamihan din sa aking mga nabibigyan ng tulong ay ang mga nasunugan. Sila po ang dahilan kaya isinulong ko ang Senate Bill No. 1832 para sa modernisasyon ng Bureau of Fire Protection. Dito ibinatay ang Republic Act 11589 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging ganap na batas. Sa modernisasyon ng BFP, magiging mas moderno ang kagamitan ng ating mga bumbero, mas mabilis ang pagtugon sa sunog, at mapapalawak ang impormasyon kung paano maiiwasan ito.
Patuloy ko ring isusulong ang Senate Bill No. 205 na lilikha sa Department of Disaster Resilience para may isang departamento na tututok sa ating mga kababayang maaapektuhan ng bagyo, sunog, lindol at pagputok ng bulkan. Bago pa man maganap ang mga ito, may koordinasyon na ang DDR sa LGUs at nakahanda na ang mga pangunahing pangangailangan ng mga residente. Hindi na nila kailangang maghintay pa ng ilang araw o linggo bago dumating ang tulong mula sa iba't ibang ahensya ng gobyerno.
Hindi po ako mapapagod sa pagseserbisyo sa inyo, mga kapwa ko Pilipino. Tutulong ako sa abot ng aking makakaya at pupuntahan ko kayo kahit saang sulok ng bansa basta kaya ng aking panahon at katawan para mabigyan ng solusyon ang inyong mga problema, mapakinggan ang inyong mga hinaing, at mag-iwan ng ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati.
Ipinagdarasal ko na tuluyan na tayong makabalik sa normal na pamumuhay pagkatapos ng mga pagsubok na hinarap natin dulot ng pandemya. Pero kailangan po ay patuloy ang ating pakikiisa at pakikipagbayanihan para masigurong walang maiiwan sa ating muling pagbangon mula sa krisis.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments