ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | May 1, 2022
Ipinaaabot natin ang ating pinakamataas na pagpupugay sa lahat ng manggagawa ngayong Araw ng Paggawa.
Sinisiguro ng inyong hindi matatawarang pagpupunyagi at pagsasakripisyo ang kalusugan, pagkain sa mesa, kaligtasan, at ang kapakanan ng milyun-milyong Pilipinong umaasa sa inyo.
Nawa’y hindi kayo panghinaan ng loob sa ating patuloy na pakikibaka laban sa pandemya. Malalagpasan din natin ito, sa tulong ng ating pagtutulungan at iisang pagkilos.
Mabuhay ang isang haligi ng bansang Pilipinas, ang manggagawang Filipino!
☻☻☻
Nitong nakaraang linggo ay nagbabala ang Department of Health (DOH) ng posibilidad ng outbreaks ng non-COVID diseases dahil sa pagbaba ng immunization coverage nitong pandemya.
Maraming mga sakit tulad ng tigdas, polio, at trangkaso ang maaaring maiwasan kung bakunado ang mga mamamayan, lalo na ang bata.
Ayon sa DOH, bumaba sa 48.5 percent noong 2021 ang childhood immunization kumpara sa 70 percent noong 2019.
Ayon pa sa kagawaran, naapektuhan ng pandemya ang pagpapabakuna dahil marami sa mga vaccinator ay nakatuon sa laban kontra COVID-19.
Natakot din daw ang mga magulang na dalhin sa mga clinic at ospital ang kanilang mga anak.
☻☻☻
Ayon kay Dr. Lulu Bravo, Executive Director ng Philippine Foundation for Vaccination, kailangang itaas muli ang immunization rate sa 85 to 90 percent, kumpara sa tinatayang 60 percent sa ngayon.
Dahil dito, magkakaroon ng “Chikiting Bakunation Days” sa huling Huwebes at Biyernes sa Abril, Mayo, at Hunyo para sa mga batang edad 0 hanggang 23 buwan.
Pakiusap natin habang mababa ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay samantalahin ito ng mga kinauukulan at mga LGUs, pati na ng mga magulang upang pabakunahan ang kanilang mga anak.
Napatunayan nang epektibo ang mga bakuna, kung kaya’t walang dapat ipangamba ang mga magulang. Kaya arat na sa mga clinics at ospital, mga mommies at daddies!
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments