ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 24, 2021
Hinihimok ng inyong lingkod ang mga local government units (LGUs) na magtalaga ng mga sign language interpreters upang matulungan ang mga pipi at bingi na nakatakdang tumanggap ng bakuna kontra COVID-19.
Isang halimbawa nito ay sa Valenzuela City kung saan may mga sign language interpreters sa mga COVID-19 vaccination centers. Maliban sa pagpapabakuna, makatutulong din ang mga sign language interpreters sa pagpapamahagi ng ayuda.
Ang panawagan natin ng pagtatalaga ng sign language interpreters ay upang makapag-communicate sila sa mga deaf and mute pagdating sa vaccination at pati na rin sa pagkuha nila ng ayuda.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11106 o ang Filipino Sign Language (FSL) Act, kinikilala ang FSL bilang pambansang sign language ng Pilipinas. Isinusulong at sinusuportahan ng naturang batas, kung saan ang inyong lingkod ay isa sa mga co-authors, ang paggamit ng FSL sa komunikasyon at transaksiyon para sa mamamayang may problema sa pandinig.
Isinusulong din ang FSL sa ilalim ng mga batas tulad ng Republic Act No. 10410 o ang Early Years Act of 2013 at ang Republic Act No. 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013.
Ang Senate Bill No. 1907 o Instituting Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act na ating inihain bilang sponsor at co-author ay nagsusulong ng pagkakaroon ng Inclusive Learning Resource Center of Learners with Disabilities (ILRC) sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.
Ang mga panukalang ILRC ay maghahatid ng mga serbisyo tulad ng linguistic solutions para sa mga deaf learners, speech-language pathology and audiology services, physical and occupational therapy, counseling and rehabilitation, serbisyong medikal at transportasyon, at iba pa.
Magkakaroon ang mga ILRC ng mga multidisciplinary teams na binubuo ng mga propesyunal at eksperto tulad ng special needs teachers, educational psychologists, guidance counselors, psychometricians, developmental pediatricians, physical therapists, speech and language therapists, at iba pa.
Mahalagang maalalayan natin nang husto ang kabataan at nakatatandang PWDs (persons with disabilities) natin, lalo na’t hindi lahat sa kanila ay may guardians. Asikasuhin natin sila at tutukan natin ang kanilang kapakanan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments