ni Gerard Peter - @Sports | November 26, 2020
Naiwang walang kalaban si World Boxing Organization (WBO) middleweight champion Demetrius ‘Boo Boo’ Andrade matapos magpositibo sa novel coronavirus disease (Covid-19) si Dusty Hernandez-Harrison para sa undercard non-title match sa Nobyembre 27, Biyernes, sa DAZN live show sa Seminole Hard Rock Hotel & Casino sa Hollywood, Florida.
Napuwersang tanggalin ang tapatan ng undefeated champ na si Andrade (29-0, 18KOs) at wala ring talong American-Puerto Rican na si Hernandez-Harrison (34-0-1, 20KOs) matapos mahawa ang huli mula sa ulat ng beteranong manunulat na si Chris Mannix.
“Dusty Hernandez-Harrison has contracted Covid-19 and is out of the scheduled fight against Booboo Andrade next weekend, per sources. Andrade is off the card – will likely go straight into a fight with Liam Williams of Billy Joe Saunders next year,” pahayag ni Mannix sa kanyang twitter account.
Magpapatuloy naman ang iba pang mga laban kung saan pangungunahan ito ng super middleweight bout sa pagitan nina dating IBF at WBA (regular) middleweight titlist Daniel “The Golden Child” Jacobs (36-3, 30KOs) at veteran boxer Gabriel “King” Rosado (25-12-1, 14KOs).
Plano sana ng kampo ni Andrade na magkaroon ito ng isa pang laban bago muling idepensa ang kanyang titulo sa susunod na taon sa mapipili kina knockout artists Williams (23-2-1, 18KOs) o undefeated na si Saunders (29-0, 14KOs), matapos ang matagumpay na 3rd title defense kay Luke Keeler (17-3-1, 5KO) ng Ireland na nagtapos sa 9th round TKO victory.
Pawang mga knockout naman ang mga nakalipas na apat na panalo ng 26-anyos na si Hernandez-Harrison, kung saan galing ito sa 2nd round KO victory noong Pebrero 8, 2020 laban kay Les Sherrington ng Australia bago ito tamaan ng mapanganib na sakit.
Comentários